DENGVAXIA PATULOY NA PUMAPATAY

MASAlamin

KAMAKAILAN lamang ay nakabalita na naman tayo ng isang bata na naman na namatay dahil sa Dengvaxia. Patuloy na pumapatay ang nasabing experimental vaccine sa ating kalagitnaan ngunit patuloy pa ring tumatakas sa pananagutan sa batas at sa mga biniktima nito ang kompanyang manufacturer nito at ang mga dating opisyal ng pamahalaan na nagsagawa nito.

Kung tutuusin ay hindi sapat ang aprubadong budget ng Kongreso na P1.1 bilyon na pondo para sa mga biktima ng Dengvaxia. Ang pondo ay magsisilbing contingency fund ng mga pamilyang may miyembro na nabiktima ng Dengvaxia.

Ito ay para sa medical needs ng higit sa 800,000 na mga batang tinurukan ng Dengvaxia. Malinaw na ang Dengvaxia ang pumapatay sa kanila, dahil pawang karamihan sa mga tinurukan nila ay mga seronegative na ibig sabihin ay hindi pa nagkakaroon ng dengue bago tinurukan ng Dengvaxia. Ibig sabihin dahil sa pagkakaturok ay na-introduce ang dengue sa katawan ng mga musmos na mga batang Filipino.

Huwag sanang kalimutan ang pananagutan ni dating pangulong Noynoy Aquino kasama ang mga miyembro ng kanyang Dengate Gang ukol sa unti-unting lumilinaw na maaaring multi-bilyong pisong scam na ito.

Tunay naman kasing tumitining at lumilinaw ang pananagutan ng gang ng nakaraang administrasyon sa pagkakaineksiyon sa may 837, 000 mga batang Filipino ng peligrosong Dengvaxia experimental vaccine.

Plunder at genocide talaga ang nararapat na kasong kinakaharap ng mga sangkot dito.

Ayon sa imbestigasyon sa Senado: 1) Alam na ng mga nagsabwatan na may ebidensya na delikado ang Dengvaxia sa mga seronegatives o mga taong hindi pa nagkaka-dengue bago pa man pinilit na isyuhan ito ng Certificate of Product Registration ng Food and Drug Administration na kontrolado ni dating DOH Sec. Garin, 2) ang Phase 3 trial ng Dengvaxia ay hindi pa tapos kung kaya’t malinaw na isinugal ang buhay ng ating mga kababayan para sa sariling kadahilanan ng gang ni Noynoy, 3) mahiwagang hindi lumalabas sa mga local analysis ang mga ebidensya na nakasasama ito sa mga seronegative at 4) ang World Health Organization ay hindi dapat inirekomenda ang Dengvaxia maging sa mga lugar na may high prevalence ng dengue.

Inamin na rin naman ng kompanyang manufacturer ng Dengvaxia, bagama’t huli na, na nakasasama ang Dengvaxia para sa mga seronegative o mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue. Kaya sa pag-aming ito ang lahat ng nagkakasakit at namatay na mga seronegative ay kagagawan ng Dengvaxia, malinaw ‘yan hindi na kailangan pang palalimin pa ang imbestigasyon. Kaya nga sa pag-amin ding ito ng Sanofi ay napilitan ang DOH na ipahinto ang pagtuturok ng nasabing experimental vaccine sa mga kabataan.

Sa mismong salita na lamang ng manufacturer ay swak na sa korte ang mga ito at ang kanilang mga kinasabwat sa pamahalaan upang mapadali ang pagtuturok nito sa mga batang Filipino.

Sinabi na rin ng ekspertong si Dr. Scott Halstead na napagsabihan na ang manufacturer ng Dengvaxia sa maaaring health disaster nito sa bansa ngunit itinuloy pa rin at nakamamangha ang dami ng mga pinagtuturukan.

Ngayon na sunod-sunod na mga bata ang nangamamatay ay ninenerbyos ang iba pang mahigit sa 800,000 na pamilyang Filipino na may tinurukan ng Dengvaxia sa kanilang kaanak. Ang hinihintay ng taumbayan ay ang pagpapanagot sa batas ng mga dapat managot mula sa pamahalaan at Sanofi, at bukod sa ibalik ang pondo ng pamahalaan ay bayaran ang mga danyos perwisyo na idinulot nito sa bawat apektadong pamilyang Filipino na naulila at iba naman ay hindi mapagkatulog sa pag-aalala para sa kani-kanilang mga kaanak.

Comments are closed.