NAGPAHAYAG ng matinding kalungkutan at galit ang mga magulang ng mga batang pumanaw sa hinihinalang dengvaxia vaccine matapos matanggap ang kautusan ng hukom na humahawak sa kanilang kaso.
Ito ay matapos na atasan ni Quezon City court Branch 229 Judge Maria Luisa Leslie Gonzales-Betic ang mga state prosecutor na pag-isahin na lamang ang 35 kasong kriminal na isinampa ng mga magulang ng mga biktima ng umano’y dengvaxia vaccine.
Ayon kay Girlie Samonte, isa sa mga magulang na naturukan ng dengvaxia kanyang ang anak, hindi maaaring isahin ang kaso dahil magkakaiba ang sitwasyon at dahilan ng pagkamatay ng mga bata.
Apela nila sa hukom na sana naman lamang ay pag-aralan nitong mabuti ang kanilang kaso at umiral ang kaniyang pagiging isang ina.
“Ina ka rin naman Judge Betic, sana naman maramdaman mo ang sakit na nararamdaman namin sa pagkamatay ng mga anak namin. Huwag po ninyong pag-isahin na lang ang kaso namin dahil kapag na-dismiss ito…hindi na makakamit ng mga anak namin ang hustisya,” umiiyak na pahayag ni Samonte.
Paliwanag ng ginang, magkakaiba rin ang kanilang lugar na pinanggalingan at magkakaiba ang petsa ng kamatayan ng mga batang pumanaw.
Kasabay nito, umapela rin kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang mga magulang ng mga namatayan ng anak na anila’y mabigyan sila ng hustisya dahil halos anim na taon na umano silang nakikipaglaban sa kaso.
Kaugnay nito, pinag-aaralan na rin ng mga magulang na maghain ng motion for reconsideration at ipa-inhibit si Judge Betic sa kaso.
Mula Hunyo hanggang Agosto 2023, ay 35 magkakahiwalay na kaso ng homicide at reckless imprudence resulting in serious physical injuries ang isinampa ng mga magulang laban kay dating Health Secretary Janette Garin at 17 iba pang opisyal at doktor ng Department of Health (DOH). BENEDICT ABAYGAR, JR.