DENNIS PINGOY: PINOY BREEDER SA SOUTH CAROLINA

SABONG NGAYON

ANG pagkahilig o passion sa pag-aalaga ng manok panabong ay walang pinipiling lugar, kahit pa sa mala­yong lugar.

Kaya may mga kababayan po tayo na nag-migrate o nanirahan na sa Amerika ay pagmamanok pa rin ang nakahiligang libangan. Isa na po diyan si Dennis Pingoy ng La Carlota City, Negros Occidental at ngayo’y nakatira na sa South Carolina, USA.

“Actually duma­ting ako dito 2011, manok agad ang una kong hinanap dito. May manok na ako dati riyan at naglalaban ako sa NGBA,” ani Dennis, pamangkin ni sabong legend at late mayor Juancho Aguirre.

Paglilinaw niya, libangan lamang niya ang pagmamanok dahil nagtatrabaho rin siya roon.

Ilan sa mga linyada niya ay ang Albany at Yellow Legged Hatch mula kay Larry Romero, Sweaters mula kina Tammy Shive at Cody Boone, Brownie Kelso ni David Smith, Johnny Jumper Kelso mula kay Nathan Jumper, at Gilmore Hatch mula kay Carol Nesmith at sa kapwa niya Filipino breeder na naka-base rin sa Amerika na si Larry Parawan.

Aniya, very hands on siya sa pag-aalaga ng kanyang manok lalo na’t wala siyang mga tauhan na kanyang makakatulong doon.

“Dito ay hands on talaga talaga tayo dahil sobrang mahal ang labor dito at ang maganda rito ay walang masyadong sakit ang mga manok,” ani Dennis.

“Hindi nagkakasakit dito dahil may winter season, malamig kaya mga bacteria nawawala. Dito iba ang paglaki ng manok, walang masyadong bakuna ‘di tulad diyan satin lahat ng vaccines ibinibigay para ‘di tamaan ng sakit ang mga sisiw natin,” dagdag pa nya.

Sa pagpili ng materyales o broodstocks, mahalaga, aniya, na maganda ang buto (heavy boned), matangkad (high station) at ba­lansiyado.

Sa fighting style naman ng isang manok, mas nais umano niya ‘yung matalino (smart), angat (high breaker) at maganda ang cutting.

“Marami nang magagaling magmanok sa atin ngayon kaya dapat sabayan din natin ‘yung fighting style diyan,” ani Dennis.

Dahil sikat na sikat sa atin ngayon ‘yung stag fighting at early bird, binabalak din ni Dennis na mag-breed din dito sa atin sa Pinas at sasalihan niya raw ang mga big event dito.

“Hindi na ko nakakapaglaban ng big event diyan, ‘yun nga nung umalis ako stag lang pa­lagi ang sinasalihan ko at pagkatapos, ubos na ang manok,” aniya.

“Magbi-breed ako riyan pagbalik pero dito pa rin ako sa US. Uuwi na lang kapag kaila­ngang lumaban, may mga dati naman akong tao riyan na mapagkakatiwalaan at taga-handa,” dagdag pa niya.

Payo niya sa mga gustong mag-alaga ng manok panabong, “Sa mga gustong magmanok na kayang bumili ng magagandang manok, mas mabuti na mag-umpisa sila sa maganda at maayos na breeding para ‘di masayang ang panahon at pera nila. Mag-umpisa sila sa guwapo at magaling na linyada.”

“Iba ‘pag guwapo at magaling, madaling ibenta at hindi ka mapapahiya sa buyer mo,” dagdag pa niya.