KUNG may isang proyektong ginawa si Dennis Trillo na very proud siya ay heto ang “Abel at Cain”. Karamihan kasi sa mga maaksiyong eksena na ginawa niya sa naturang teleserye ay siya mismo ang gumanap at hindi nagpa-double kahit pa sabihin na medyo delikado ang kanyang ginagawa.
Sabagay, may wastong pag-iingat naman sa parte ng actor at ng mga staff bago kunan ang delikadong eksena, pero hindi rin maalis minsan ang disgrasya. Tulad na lang ng ginawang pagtalon sa tulay ni Dennis pabagsak sa isang malabong katubigan para sa isang eksena sa “Abel at Cain”. Maging si Dingdong din ay may sariling stunt siya na maglalagay rin sa kanya sa panganib, ang pagtalon naman sa mga bubong ng mga kabahayan.
Ani ni Dennis, ayaw kasi nila ni Dingdong na dayain ang mga eksena. Gusto nilang maging sulit ang panonood ng kanilang viewers at kapwa naniniwala sila ni Dingdong na deserving lang na dapat best ang mapanonood ng mga televiewer.
Say nga ng staff ng kanilang bagong teleserye, kapwa walang takot sina Dingdong at Dennis, mas kabado pa nga raw sila sa stunt na gagawin ng mga bidang lalake. Bukod sa ganda ng istorya, ang isa pa sa nagpapa-excite kay Dennis sa bago niyang teleserye sa Siyete ay ang pagkakataon na muli niyang makasama ang Primetime King ng GMA7, si Dingdong Dantes. Matagal-tagal na rin daw noong una silang nagsama sa isang teleserye at sa drama pa ito sa “Endless Love”. Bukod sa dalawa, kasama rin sa naturang teleserye sina Sanya Lopez, Solenn Heussaff, Eddie Gutierrez, Chanda Romero, Dina Bonnevie, Ronnie Henares, Boy2 Quizon, Carlo Gonzales at marami pang iba. Sa direksiyon nina Mark Reyes at Don Michael Perez.
Naaliw ang mga mahihilig sa action series sa TV, nang mapanood na ang pilot episode ng “Cain at Abel” dahil talagang ipinakita na kung paano naglaban ang magkapatid na Daniel (Dingdong Dantes) at Miguel (Dennis Trillo). Parang wala silang takot na magbarilan, maghabulan at gumawa ng mga stunt na sila mismo ang gumawa, wala silang double.
Patuloy ninyong subaybayan ang “Cain at Abel” gabi-gabi pagkatapos ng “24 Oras.”
LOVI POE PINALUNGKOT NG ISANG FANS
HINDI na rin naman bago para kay Lovi Poe na lapitan at kausapin ng fans at sabihan siya ng may kinalaman sa namayapa niyang amang si Fernando Poe Jr. Pero may kakaibang naranasan si Lovi sa isang fan na lumapit sa kanya noong time na naglalakad siya sa Salcedo Market.
Sa kuwento ni Lovi sa kanyang social media account sinabi nito na may isang babaeng lumuluha na lumapit sa kanya at sinabihan siya na naalaala raw niya ang kanyang idolong si FPJ ‘pag nakikita si Lovi. Kuwento pa rin ng sexy Kapuso actress na sinabi rin sa kanya ng babae na araw-araw ay nasa Sto. Domingo Church kung saan binurol si FPJ at pumipila diumano ang naturang babae ng mahabang pila para masilayan lamang ang idolong namayapa.
Nalulungkot man si Lovi at nagbibigay naman daw ito ng inspirasyon at support na para sa actress ay isang paalaala na may isang anghel sa Itaas na gumagabay sa kanya. At alam ni Lovi ang anghel na ito ay ang kanyang ama.
Comments are closed.