DENR, CAVITE LGUS SANIB PWERSA SA MANILA BAY REHAB

MAGTUTULUNGAN ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang local government units (LGUs) ng Cavite para sa epektibong pollution reduction at solid waste management sa Manila Bay.

“Manila Bay has a wide range of environmental problems that need to be addressed, one of which is the accumulation of solid waste coming from different waterways,” saad ni DENR Secretary Roy Cimatu.

Ang pollution reduction at solid waste management activities sa probinsiya ng Cavite ay bahagi ng isinasagawang pagsisikap para sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Nitong Hunyo 23 nang pangunahan ni DENR Undersecretary for Solid Waste Management and LGUs Concerns Benny Antiporda ang inspeksiyon sa mga ilog sa Cavite kabilang na rito ang Imus River sa Bacoor at Ylang-Ylang River sa Novoleta kung saan ay nakita nito ang mga lumulutang na basura na dumidiretso sa Manila Bay.

Inatasan ni Cimatu si DENR-Calarzon Regional Executive Director Nilo Tamoria na bigyang prayoridad ang pamamahala sa solid waste na nanggagaling sa coastal areas ng probinsiya ng Cavite.

Binigyang-diin ni Antiporda na siya ring namumuno sa Manila Bay Anti-Pollution Task Force na ang National Solid Waste Management Commission (NSWMC) at ang DENR-Environmental Management Bureau (EMB) ay gagawa ng mga istratehiya upang masolusyunan ang problema sa solid waste sa probinsiya.

Ayon kay Antiporda, ang una sa prayoridad ay ang pagtatayo ng clustered sanitary landfill bilang pansamantalang solusyon sa problema ng Cavite sa pagtatapon ng kanilang mga basura.

Inamin naman ni Governor Jonvic Remulla sa ginanap na Cavite Cluster Task Force meeting noong Hunyo 24 na ang kanilang lalawigan ay nabigong makapagpatayo ng kanilang sariling sanitary landfill dahil na rin sa limistasyon sa lupa.

Nabatid na upang magkaroon ng total solid waste management solution sa problema ay kinakailangan ng mga landfill operators na magkaroon ng composting facility, recycling facility, at residual diversion.

Sa pamamagitan nito, kaunti lamang na basura ang mapupunta sa sanitary landfill.

Ang paggawa ng clustered sanitary landfills ay magkakaroon ng malaking pagbabago sa pagkontrol ng basura ng Cavite na napupunta sa mga ilog, ito ay matapos isiwalat ni Remulla na aabot sa 2,000 tonelada ng basura kada araw ang napupunta sa mga ilog dahil na rin sa kakulangan ng solid waste management facility.

“We will study and try to come up with a very strategic approach in different municipalities and cities para po masiguro natin na once and for all, ma-solve po natin ang problemang ito,” saad ni Antiporda.

Hinikayat din nito ang LGUs sa Cavite na tumulong upang mag-empleyo ng environmental marshals sa bawat barangay upang matiyak na ang mga residente ay sumusunod sa solid waste management laws partikular na ang paghihiwalay ng mga basura.

Kinakailangan ding i-monitor ng mga ito ang kalapit na barangay upang hikayatin na gumaya sa kanila lalo na kapag ang water body ay dumadaloy sa iba’t-ibang barangay.

Bukod dito, nanawagan din si Antiporda ng “trained and competent” river rangers na hindi lamang tutulong para sa cleanup ng mga waterways bagkus ay magbabantay rin ang mga ito sa illegal environmental activities. BENEDICT ABAYGAR, JR.

4 thoughts on “DENR, CAVITE LGUS SANIB PWERSA SA MANILA BAY REHAB”

Comments are closed.