DENR NAGPADALA NG MGA TAUHAN, EQUIPMENT SA CLEARING OPS

DENR

MAY 187 chainsaw ang ipinagamit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)  para mapabilis ang  pagputol sa mga bumagsak na puno sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Ompong.

Nauna nang nangako si DENR Secretary Roy Cimatu  na ipadadala   ang  mga kagamitan ng ahensiya, maging ang field personnel,  upang patuloy na magkaloob ng tulong sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at  local government units (LGUs)  sa pag-aalis ng mga sagabal sa lansangan.

Sa inisyal na ulat na tinanggap  ng Operations Center ng DENR, may 87 chainsaw, kabilang ang  chainsaw operators, ang  ipinadala sa  mga lugar sa Regions 1, 2, 3, 4A, at sa Cordillera Administrative Region, para sa mabilis na clearing operations  sa mga bumagsak na puno  kabilang na ang anumang bagay na banta sa kaligtasan ng mamamayan.

Nitong Biyernes,  ipinakilos ni Cimatu ang DENR Operations Center sa central office sa Quezon City para agad na tumugon sa publiko.  “This is the most opportune time to make good use of the chainsaws that we have confiscated. Chainsaws are appropriate to cut felled trees, especially the big ones, but shorten the time in the clearing operations of the local government units (LGUs), the Department of Public Works and Highways (DPWH) and even by the Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) in the National Capital Region,” pahayag ni Cimatu.

Sa Metro Manila, pinangunahan ni DENR Usec. Benny Antiporda  ang clearing operations  bilang sagot sa  mga tawag na natanggap ng DENR Hotline  kaugnay sa mga bumagsak na puno.

Ayon kay Antiporda, hanggang nitong Sabado ay may 12 clearing operations  ang naisagawa sa Quezon City, Malabon at Valenzuela City.

Sa mga lugar naman na matinding sinalanta ni ‘Ompong’, pinakilos din ang mga tauhan ng DENR  upang tumulong sa clearing operations ng DPWH sa  mga lugar  sa Kianga, Asipolo at Tinoc Road sa Ifugao.

Tumulong din ang DENR  sa  paglilikas  sa mahigit sa 1,000  apektadong pamilya at indibidwal  sa Aparri, Cagayan; Dupax del Norte, at Isabela.

Pansamantalang nanunuluyan ang may 60 pamilya sa DENR Cenro sub Maconacon office.

Comments are closed.