DENR NAGSAGAWA NG MALAWAKANG PAGTATANIM PARA SA ARBOR DAY

NAGSAGAWA  ng tree-growing activity sa Tanay Rizal nitong Martes ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kasabay ng pagdiriwang ng Arbor Day bilang hudyat sa pagsisimula ng malawakang pagtatanim ng mga puno sa buong bansa.

Ayon kay DENR Undersecretary Atty. Jonas Leones ang naturang kaganapan ay ang pagsisimula ng tree-growing activity na isasagawa muna sa limang munisipalidad at lungsod ng naturang probinsiya.

Pinangunahan ni Leones, Undersretary Marilou Erni, at DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo B. Tamoria ang seremonya na ginanap sa Tanay, Rizal.

Ayon kay Erni ang probinsya ng Rizal ay isa sa pilot sites ng Project TRANSFORM o Transdisciplinary Approach for Resilient and Sustainable Communities. Ito ay isang multidisciplinary approach na kung saan ang mga local government unit (LGU), katuwang ang DENR, ang nangungunang magpatupad ng mga programa upang palawigin ang kanilang kakayahan sa environment and natural resource management, climate and disaster resilience, at socio-economic development.

Ang Rizal sites ay sumasakop sa kabuuang 13 ektarya ng protected areas sa Kaliwa River Forest Reserve, Upper Marikina River Basin at Marikina River Watershed.

Umabot sa 1,543 katao mula sa LGUs, private corporations, non-government outfits, youth groups at DENR offices ang nakilahok sa tree-planting activity.

Ayon sa mga naturang DENR official, ito ay isa sa hakbang ng kagawaran na makatulong upang maagapan ang global warming at climate change.

Umabot din sa 6,600 seedlings ng hardwood species tulad ng narra at molave, maging ang fruit-bearing trees tulad ng guyabano (soursop o graviola) ang ginamit sa pagtatanim.

Kabilang sa mga LGUs na dumalo ay ang Barangay Cuyambay sa Tanay, Rizal; Sitio San Ysiro, San Jose, Antipolo City; Sitio San Roque, Baras; Pintong Bukawe, San Mateo; at Sitio Paruwagan, San Rafael, Rodriguez habang lalahok din ang mga kumpanyang A. Brown Co., Alternergy Tanay Wind Corp., Manila Water, ERMA at mall owners.

Ang paggunita ng Arbor Day tuwing Hunyo 25 ay ayon sa Presidential Proclamation 396 ng 2003. Samantala, minamandato ng Republic Act 10176 ang mga Pilipinong may edad 12 pataas na magtanim ng isang puno, o higit pa, kada taon.

Ang pagtatanim ay bahagi na rin ng paggunita ng buwan ng Hunyo bilang environment month.
MA. LUISA GARCIA