DENR-PCAPI, NAGSANIB-LINIS SA ESTERONG DIREKTA SA MANILA BAY

estero

NAGSANIB puwersa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Pollution Control Association of the Philippines Inc. (PCAPI) upang linisin ang maruming tubig ng Estero de Marala na direktang dumadaloy sa Manila Bay.

Napag-alamang ang Estero de Marala na may habang 2.7 kilometro ay matatagpuan sa boundary ng mga lungsod ng Navotas at Manila at nakaugnay ito sa Estero de Vitas sa timog (south), Estero de Maypad sa hilaga (north), at Estero de Maypajo sa silangan (east).

Sa  memorandum of agreement (MOA) signing sa pagitan ng DENR at PCAPI, ipinunto ni Environment Secretary Roy Cimatu ang kahalagahan ng pagtutulungan ng national government agencies, non-government organizations (NGOs), local government units (LGUs) at komunidad sa isinasagawang rehabilitas­yon ng Manila Bay at ng iba pang daluyan ng tubig na diretsong dumadaloy sa makasaysayang baybayin.

Ayon naman kay PCAPI President Engr. Gretchen Fontejon-Enarle, ang pagbibigay ng proteksiyon sa kalikasan ay hindi lamang nakaatang sa gobyerno bagkus ay sa lahat ng stakeholders.

“This partnership signifies the importance, the essence of PCAPI, and hoping it will become a benchmark for other associations and organizations to do the same and take part in different environmental advocacies in order to address current environmental issues,” ani Fontejon-Enarle.

Napagkasunduan ng dalawang partido sa MOA na palawakin ang programa upang mabawasan ang paglala ng kalagayan ng Estero de Marala at magkaroon ng ugnayan ang bawat isa para sa regular na pagpaplano, implementasyon ng mga napagkaisahan sa pagpupulong at matukoy ang bilang ng mga informal settler na naninirahan sa naturang lugar.

Nabuo ang pakikiisa ng DENR at ng naturang ahensiya sa pangangalaga ng Estero de Marala sa ilalim ng programang Adopt-an-Estero ng DENR, na may layuning mapalakas ang pagtutulungan ng mga komunidad malapit sa estero, donor partners, LGUs, DENR at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Kabilang din dito ang pagtukoy kung kinakailangang magkaroon ng cleanup, dredging at desilting sa mga ilog bilang bahagi ng mga hakbang upang maibalik ang kaayusan at kalinisan ng Estero de Marala. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.