HINILING ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang tulong ng mga lokal na pamahalaan sa pag-monitor ng ilegal na pagmimina dahil aminado itong kulang ang kanilang tauhan upang mabantayan ang lahat ng mining sites sa bansa.
“There are so many small-scale mining operations that are actually very damaging to the environment. LGUs, their cooperation is needed as well as that of the public and the media. They need to report these so that the DENR can investigate because our personnel are limited,” wika ni DENR Assistant Secretary Rochelle Gamboa sa isang news forum noong Sabado, Oktubre 19.
Dagdag pa ni Gamboa, pinag-aaralan ng kagawaran ang karagdagang mga requirement para sa mining permits upang matiyak na sumusunod ang mga mining operator sa mga batas pangkalikasan sa tulong ng LGUs at ng National Greening Program.
Bagama’t mayroong local DENR at Mines and Geosciences Bureau (MGB) personnel na nakatalaga para imonitor ang mga mining project lalo na ang small-scale mines, aminado si Gamboa na wala silang sapat na manpower para sakupin ang lahat ng mga base.
“Sana the local government units will also help our regional executives, the directors and our regional teams sa provinces para ma-monitor ang compliance ng mga small mining projects na ito,” anang opisyal.
“We work with the local government units para our people gain entry into these projects so that they can do the work of investigating,” dagdag pa niya.
Hinimok din niya ang publiko na isumbong ang mga posibleng paglabag ng mga ito sa DENR upang maaksiyunan.
“We welcome reports of these violations.”
RUBEN FUENTES