DENTAL HEALTH DAPAT ABOT-KAYA NG PINOY 

Dental Health

KAPAG maganda ang ngipin, maganda ang ngiti tiyak na dagdag pogi points ito.

Ito ang inihayag ni Senador Sonny Angara kasabay ang pagpapaalala sa mga Filipino na huwag magpabaya sa kanilang dental health at ugaliing magsepilyo at magpa­tingin sa dentista.

Gayunman, naintindihan din ng senador ang estado ng karamihang Filipino na hindi na nagagawang magpatingin ng ngipin sa dentista dahil sa kakulangan ng budget.

“Ito ang nakalulungkot. Dahil lang sa kakulangan natin ng pera, hahayaan na lang natin ang ating dental health. Hindi dapat nangyayari ang ganito,” ani Angara.

Dahil dito, isinusulong ngayon ng senador ang kanyang panukalang batas, ang Senate Bill 962 na naglalayong lumikha ng dental health unit sa bawat rural health center sa bansa sa pangangasiwa ng Department of Health. Ito aniya ay upang ma­ging ang pinakamahihirap na Filipino sa mala-layong lugar at probinsya ay maalagaan ng mga dentista.

“Marami sa ating kababayan, ayaw magpatingin sa dentista dahil lang sa takot na gumastos. Dahil dito, malaking bahagi ng ating populasyon ay may mga sirang ngipin na hindi naipapaayos,” ayon kay Angara.

Sa kasalukuyan, 92 por­siyento ng kabuuang populasyon ng Filipinas ay may mga bulok na ngipin, habang 78 percent ay may gum disease.

Base  sa datos ng Philippine Prosthodontic Society noong 2016, tinatayang 7 milyong Pinoy ang hindi pa nakapagpapa-check up sa dentista dahil sa takot na malaki ang magagastos dito.

“Malaking problema ito kung hindi agad ma­reresolba. Karamihan ng mga taong may dental problems, hindi nakakatulog nang maayos at apektado pati ang kanilang trabaho. Nakadidismaya naman na dahil lang sa madalas na pagsakit ng ngipin, napadadalas din ang pagliban ng isang estudyante sa klase dahilan upang bumagsak ang kanyang mga grado. Madalas ding hindi nakapapasok sa trabaho ang isang empleyado dahil sa dental problems at nakapanlulumo na maaalis siya sa trabaho dahil sa ganitong problema na madali lang naman sanang maresolba,” anang senador.

Mababatid na isa ang Filipinas sa mga lumagda sa Alma-Ata Declaration of 1978, na nag-aatas sa lahat ng gobyerno na  magpatupad ng mga panuntunang naglalayon ng mga komprehensibong programa para sa pagpapatupad ng national health system. VICKY CERVALES

Comments are closed.