DENTIST WANTED SA KASONG RAPE

LAGUNA-PINAGHAHANAP ng mga operatiba ng Nagcarlan police ang isang dentista na tumakas matapos nitong halayin ang isang menor de edad sa kanyang klinika nitong nakaraang Biyernes.

Ayon kay Col. Cecilio Ison, Laguna police director, kahapon lang umano nagkaroon ng lakas ng loob na magsumbong ang biktima sa ina dahil sa takot sa pagbabanta ng dentista.

Kinilala ni Ison ang suspek na si Dr. Arnel Sumaya, 31-anyos, may-asawa at residente ng Barangay Poblacion 1 ng nasabing bayan.

Sa pahayag sa pulisya ni Princess (hindi tunay na pangalan), nagtungo umano siya sa clinic ni Dr. Sumaya sa 365 J. Coronado Street, Nagcarlan dakong alas-12:15 ng tanghalo para ipaayos ang maluwag niyang brace.

Pinayuhan umano siya ni Doktor Sumaya na umupo sa dental chair kung saan napuna umano ng biktima na isinara ng suspek ang main door ng klinika.

Nang bumalik umano ang suspek ay doon na umano sinimulan hipuan ang biktima at nang magpumiglas ito ay puwersahan umanong hinalay ang dalagita sa loob mismo ng dental clinic.

Matapos umano ang panghahalay ay sinabihan ito na huwag magsusumbong kahit kanino.

Nang puntahan ng mga pulis ang tahanan ng suspek ay wala ito na ayon sa mga kaanak nito ay dalawang araw na itong hindi umuuwi.

Sinampahan na ng kasong rape si Sumaya sa provincial prosecutors office. ARMAN CAMBE