LAS PIÑAS CITY – ARESTADO ng Las Piñas City police ang isang dentista sa kanyang clinic dahil sa umano’y pag-sasagawa ng kanyang propesyon ng walang kaukulang lisensiya.
Sinalakay ng mga tauhan ng Las Piñas City police kamakalawa ng hapon ang isang klinika sa Barangay Talon Uno ng naturang lungsod kung saan inaresto ang target ng operasyon na si Matthew Matira, 34.
Ayon kay Las Piñas police chief Police Colonel Simnar Gran, naisakatuparan ang pag-aresto kay Matira bunsod sa reklamo na natanggap na galing sa kinatawan mismo ng Philippine Dental Association (PDA) na siyang nagsumbong sa mga awtoridad.
Sinabi ni Gran na sa isinagawang operasyon ay nakitang kumpleto naman sa mga kagamitan ng kanyang propesyon si Matira bilang dentista ngunit marami sa kanyang mga pasyente ang nagrereklamo dahil hindi pulido ang kanyang trabaho at kung minsan ay may naiiwan pang bahagi ng ngipin na sa binunot ni Matira.
Karamihan sa mga naging pasyente ni Matira ay sumangguni na lang sa ibang dentista upang maisaayos ang pagbunot ng kanilang mga ngipin. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.