KAYOD kalabaw na naman ang gagawin ng Kamara ngayong tapos na ang SONA ni Pangulong Duterte. Lalo na ngayon na nasa gitna pa rin ang bansa sa peligro dulot ng COVID-19.
Samu’t saring mga panukalang batas na panlaban sa COVID-19 na naglalayong makatulong sa taumbayan ang haharapin ng mga kongresista, lalo na at wala pang nahahanap na bakuna laban sa COVID.
Kaya naman minabuti ni Speaker Alan Cayetano, kasama ang iba pang kongresista, na maghain ng panukalang batas na magtatatag ng Department of Arts and Culture. Eh, kasi naman, libo-libo sa ating mga performing artist at creative industry ang bagsak ngayon ang kabuhayan dahil sa COVID-19. Kanselado ang mga concert, palabas, at pati mga comedy bar ay isa-isa nang nagsasara dahil sa COVID-19. Lugmok na lugmok ang industriya ng entertainment sa bansa at marami sa ating mga nasa performing arts ang pumasok na sa ibang negosyo at kabuhayan para lang kumita at matustusan ang kanilang pamilya.
Gusto kasi ni Cayetano na suportahan ng gobyerno ang training and development ng mga nasa performing and creative arts para magkaroon ng market hindi lamang sa Asia kundi sa buong mundo. Nasasayangan si Cayetano sa galing at pagiging talentado ng Pinoy artists, kabilang na ang mga artista, singer at iba pang mga nasa perfoming at creative arts industry. Sabi pa nga ni Cayetano, “So, sa akin, ang sining (the arts) whether it’s for advertising, whether it’s for movies, it’s for telenovelas, whether it’s for marketing ng mga projects, whether it’s OPM as an album or a jingle ng isang produkto (for a product), very creative tayo roon. I don’t think we should lose our advantage there, or whatever we lost, I think we should gain it back”.
Talaga namang hindi magpapatalo ang Pinoy pagdating sa sining at kultura. Diyan tayo magagaling. Kailangan lang ng tulong at suporta ng gobyerno para mapagtibay ang estado ng arts and culture sa ating bansa gaya ng ginagawa sa South Korea kung saan nahuhumaling ang buong mundo sa K-Pop at K-Drama. “’Yung sa K-Pop at K-Drama, hindi aksidente ‘yun. Pinlano iyon ng private sector, gobyerno, ‘yung mga performing artist nag-aral talaga para mahasa,” ayon pa kay Cayetano.
Kaya naman, asahan na natin na hindi lamang ang mga frontliner at ibang sektor ng bansa ang bibigyang pansin ng Kamara sa paglaban sa COVID-19 kundi pati na rin ang kapakanan at kabuhayan ng mga nasa performing and creative arts sa Pinas.
Laban lang!
Comments are closed.