UPANG mas lalo umanong palakasin ang suporta ng pamahalaan para sa ‘creative and performing arts industry’ sector ng bansa, nais ng lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na bumuo ng Department of Culture and Arts.
Bukod sa pagpapaunlad ng sining at kultura, sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na magiging tungkulin ng bagong itatatag na ahensiya na ito ng gobyerno na magkaroon ng ‘development, marketing and promotion’ ng arts and culture ng Filipinas sa iba pang mga bansa.
Ibinigay na halimbawa ng House Speaker ang ginagawang ‘ínvestment’ ng South Korean government noon, sa naging worldwide phenomenon sa ngayon, nang tinaguriang Korean Wave, K-Pop, at K-Drama, kung saan sa kasalukuyan ay nagbibigay na rin ito ng kaukulang ambag sa ekonomiya ng huli.
Malaki ang paniniwala ni Cayetano na ang Filipinas ay biniyayaan ng talented artists, singers, painters, sculptors, at iba pa kung saan ang ilan sa mga ito ay kinikilala na rin sa ibang bansa, subalit hindi nakatatanggap ng kaukulang suporta mula sa gobyerno.
“I think lamang na lamang ang Filipinas not only because we’re English-speaking but also because of the quality of the entertainment that we can offer, very adaptable ang mga Filipino,” sabi pa niya.
Sa nakalipas na mga taon ay tila hindi umano naging prayoridad ang sektor ng sining at kultura sa bansa kung kaya sa pamamagitan ng isusulong niyang paglikha ng ahensiyang tututok dito, mapapaunlad ang hanay ng mga artist, na magbibigay sa mga ito ng malawak na oportunidad hindi lamang sa lokal kundi maging sa pandaigdigang entablado. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.