ANG MGA sunog katulad ng naganap sa Kentex Manufacturing sa Valuenzuela City, yaong naganap sa The Manor Hotel sa Quezon City, at ang ‘di malilimutang sakuna ng Ozone Disco, ay tumatak sa alaala ng maraming Filipino bilang tatlo sa pinakamalalang sunog sa ating kasaysayan na tumupok ng mga ari-arian at maraming buhay.
Ang pinsalang nalikha ng mga sunog na ito ay nag-ukit din ng pilat sa puso ng mga nakaligtas na nagsisilbing paalala sa kanila na ang lahat ay maaaring maglaho sa isang kisapmata. Matapos ang maraming taon, ang ating tanong: Ano ang ating natutuhan mula sa mga pilat ng kasaysayan? Ano na ang ating mga nagawa upang maiwasang maulit ang malungkot na kaganapang tulad nito?
Likha ng tao ang mga trahedyang tulad ng sunog at nakapagdudulot ng matinding pinsala at kumikitil ng buhay. Samakatuwid, lubhang mahalaga ang kaalaman para sa ating mga mamamayan ukol sa pag-iwas sa sunog upang makapagsagip ng buhay. Binabati natin ang ating Bureau of Fire (BFP) sa kanilang walang sawang pagpapalaganap ng impormasyon at pagpapalakas ng kanilang kapasidad upang mabilis at epektibong makatugon sa pangangailangan ng ating mga mamamayan sa panahon ng sunog. Subalit nais ko pang palawigin ang pagpapalakas na ito sa pamamagitan ng mungkahing maisailalim ang BFP sa inaabangang pagtatatag ng Department of Disaster Management.
Sa paraang ito, mas makapaglalaan ang Department of the Interior and Local Government ng sapat na atensiyon at oras sa mas mabibigat nilang tungkulin na subaybayan ang Philippine National Police at Bureau of Jail Management and Penology.
Maigting ang panawagan para sa pagpapasa ng batas para maitatag ang Department of Disaster Management. Karaniwang dalawampung bagyo ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility kada taon. Maraming mga bulkan sa bansa ang aktibo at masusing sinusubaybayan ng Phivolcs. Ang mga sakunang likha ng tao tulad ng mga sunog at aksidente ay nangangailangan ng mas mabilis na pagtugon. Ang lahat ng nabanggit ay pawang hindi masasabi o makokontrol ng sinuman.
Kung kaya nga ang pagtatatag ng isang ahensiya ng gobyerno na magsisiguro ng kaligtasan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng risk reduction, impact mitigation at first line emergency response ay dapat na maging isa sa mga prayoridad ng ating mga kasalukuyang mambabatas.
Ang pagtatatag ng Department of Disaster Management ay hindi lamang makatutulong na palakasin ang ating kasalukuyang sistema at mekanismo para sa disaster and emergency response. Gayundin, makapagbibigay-daan ito para sa pagpapalaganap ng isang kultura ng Operational Unity of Effort na kahalintulad ng ating naitatag bilang panuntunan noong panahon ng krisis sa Bulkang Mayon na aking pinamunuan bilang crisis manager.
Habang hinihintay ang pagpapasa ng batas para sa Department of Disaster Management, isang ahensiya ng mapagkakalooban ng higit na kapangyarihan at kagamitan kaysa sa kasalukuyang mandato ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, and ating adbokasiya para sa kaalaman at kahandaan ng ating mga mamamayan sa panahon ng trahedya at kalamidad ang dapat pa ring palakasin at pagtibayin.
Comments are closed.