DEPARTMENT OF DISASTER RESILIENCE, APRUB NA SA KAMARA

Rep Xavier Jesus Romualdo

INAPRUBAHAN na ng komite ng Government Reorganization at National Defense and Security ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang substitute bill na bubuo sa Department of Disaster Resilience (DDR) batay na rin sa kahilingan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa kaniyang ikatatlong State of the Nationa Address (SONA) kamakailan.

Ayon kay Rep. Xavier Jesus D. Romualdo ng Camiguin, pinagsama-sama sa inaprubahang substitute bill ang walong magkakaibang panukala na kapwa humihiling sa pagbuo ng kaukulang ahensiya at departamento na mangangasiwa sa pag­hahanda, pamamahala sa panahon ng kalamidad at reha-bilitasyon sa bansa.

Idinagdag pa ni Romualdo, na siya ring chairman ng Committee on Government Reorganization na batay sa direktiba ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, nabuo ang substitute bill na lilikha sa DDR ayon na rin sa pakikipag-ugnayan at rekomendasyon ng mga stakeholder.

Bagamat bumuo na ng Technical Working Group (TWG) nitong nakalipas na taon ang dalawang komite upang pag-aralan ang pagbuo ng bagong panukala, na­ngailangan pa rin itong repasuhin upang matiyak na ito ay epektibong makatutugon sa panahon ng kalamidad.

Sa ilalim ng substitute bill, ang DDR ay magsisilbing national government agency na may pa­ngunahing responsibilidad sa disaster preparedness, prevention, mitigation, response, recovery and rehabilitation.

Samantala, ang kasa­lukuyang National Disaster Risk Reduction and Management Council na nangangasiwa sa koordinasyon, integrasyon, superbisyon, monitoring and evaluation ay papalitan naman ng Department of Disaster Resilience Council (DDRC) na magsisilbing tagabuo ng polisiya at tagapayo para sa disaster risk at vulnerability reduction at management and climate change adaptation.

Nilinaw pa ni Romualdo na ang functions ng Office of Civil Defense at Climate Change Commission ay malilipat sa DDRC. Gayundin, ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ay magiging attached din sa departamento.

Maliban dito, mapapasailalim naman sa DDR ang Bureau of Fire and Protection at Health Emergency Management Bureau.

Batay sa patakaran ng Kamara, ang panukala sa pagbuo ng DDR ay isusumite sa Committee on Appropriations upang pag-aralan at aksiyonan naman sa aspeto ng pondo nito.  MINA SATORRE

Comments are closed.