MALAKI raw ang ibinagsak ng ekonomiya ng Pilipinas mula pa noong 2020 nang umarangkada ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), sa unang bahagi ng pagpasok ng krisis ay nalugmok sa -9.5 percent ang ating Gross Domestic Product (GDP).
Kung hindi ako nagkakamali, iyan ang pinakamababang GDP ng bansa mula nang matapos ang World War II.
Aba’y kung susuriing maigi, napakalayo nito sa six percent GDP growth noong 2019.
Sa pagtaya nga raw ng gobyerno, sumampa sa P1.4 trilyon ang nawalang kita sa mga Pilipino dahil sa mga ipinatupad na restrictions o lockdowns.
Maraming nawalan ng trabaho at kabuhayan.
Halos lahat ay napilitang manatili sa mga bahay nila.
Katunayan, sumadsad nga raw ang household spending ng mga Pinoy.
Bago naman pumasok ang holiday season noong 2021, maganda na sana ang landas na tinatahak ng ating ekonomiya.
Ngunit matapos ang Pasko at Bagong Taon, sumirit naman ang COVID-19 cases dahil sa bagong variant ng virus.
Ang magandang balita, pababa na nang pababa ang bilang ng mga tinatamaan ng impeksiyon ngayon.
Kumpiyansa pa rin daw ang mga economic manager ng pamahalaan na makababangon ang ating ekonomiya.
Sa pagbaba nga ng Alert Level 2 sa maraming lugar sa bansa, kabilang ang National Capital Region (NCR), aba’y tiyak daw na aangat o makababangon muli ang mga industriya.
Isa pa, maganda raw na talaga na may isang ahensiya ng gobyerno na tututok sa lahat ng economic issues.
Kaya itinutulak ang panukalang bumuo ng Department of Economics and Development Planning (DEDP).
Nakalusot na kasi sa ikatlong pagbasa sa Kongreso ang House Bill 1062 na siyang bubuwag sa National Economic and Development Authority (NEDA) kapag naisabatas ito.
Isasalin sa DEDP ang kapangyarihan at tungkulin ng NEDA habang ang lahat ng attached agencies, officials at employees ay mapupunta sa bagong itatatag na ahensiya.
Sa ilalim ng bill, ang DEDP ay magsisilbing primary government agency na maglalatag ng national economic development goals, polisiya, programa at magmo-monitor sa implementasyon ng mga ito.
Kabilang sa mga tanggapang mapapasailalim sa DEDP ay ang Commission on Population and Development (POPCOM), Philippine Institute for Development Studies (PIDS), Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA), PSA, at Philippine Statistical Research and Training Institute (PSRTI).
Ang Public-Private Partnership Center of the Philippines (PPP Center) at Tariff Commission ay magiging attached agency din ng DEDP para sa lamang sa “administrative purposes.”
Magiging principal secretariat naman ang DEDP ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Sinasabing lilikha rin ang DEDP ng National Framework for Physical Planning at long-term development framework na inilalarawan bilang “high-level” at “broad strategy” na aabot ng 25 taon.
Magkakaroon ng Economics and Development Planning Council (EDPC) na magsisilbi namang executive collegial body at siyang tututok sa overall policy direction na may kinalaman sa ekonomiya, pinansiyal, at environmental matters upang maabot ang pangmatagalang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Sa ngayon, panukala pa lamang ang Department of Economics o DEDP at nariyan pa naman ang NEDA na lagi namang nakatuon ang atensiyon sa pagpapaangat ng ekonomiya.
Nawa’y sa pagbaba ng restrictions ay marahan na ngang makakabangon ang ating bansa.
Maging makatotohanan din sana ang mga kinauukulang ahensiya sa pag-uulat ukol sa kalagayan ng ating ekonomiya.
Huwag nating sabihing lumalakas na ang ekonomiya kung marami pa rin ang mga mahihirap at nagugutom sa mga kalye.
Kabalintunaan kung sasabihin nating may pag-angat gayung mataas pa rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin, pasahe, bayad sa kuryente at tubig habang wala ring dagdag sa sahod.
Ang kinikita ng mga manggagawa at halos lahat ng negosyo ay ganoon pa rin.
Masarap pakinggan na tumaas ang ekonomiya pero mas marami ang matutuwa kung mararamdaman o malalasap talaga ng mga karaniwang Pinoy ang pagbuti o pag-angat ng ekonomiya.
Mas maganda rin kung totoo ang mga ulat ukol sa economic growth, kung mayroon man.
Mahalagang hanapin ang tamang balanse para mapanatili ang kalusugan at umusad sa tamang landas ang lahat ng sektor.
Hanggang hindi nadarama ng mga Pinoy na paggaan sa pamumuhay, walang maniniwala na lumago ang ekonomiya ngayong panahon ng krisis.
Walang hindi problemado sa buhay ngayong halos lahat ay ramdam ang hagupit ng pandemya habang hindi pa rin ganap na nakakabangon mula sa kalamidad ang ilang lugar sa bansa na binayo ng Bagyong Odette.
Tulad ngayon, parang ang dilim-dilim ng bawat umaga para sa atin dahil sa banta ng iba’t ibang variants ng COVID-19 na parang lalo pang nagpapakulimlim sa buong mundo.
Nariyan ang takot sa ating puso o matinding pag-aalala tungkol sa ating kabuhayan.
Subalit higit kailanman ay ngayon, dapat buhay na buhay ang pag-asa sa ating puso at isip.
Kailangang magpakatatag ang lahat dahil ang pusong bumibitiw sa pag-asa kahit buhay ay waring pumanaw na rin.
Sabi nga, laban lang tayo at huwag bibitiw.
Bukod nga sa pananampalataya sa Diyos na hindi umiidlip para sa atin, tandaan na laging lumilikha ng milagro ang pagyapos sa pag-asa.