BINABALAK ng Department of Justice (DOJ) na magtatag ng DOJ Academy na magsisilbing training institution para sa mga piskal sa pakikipag-ugnayan sa international agencies.
Nabatid na nagkasundo ang DOJ, US Bureau of International Narcotics and Law Enforcement (INL) at International Development Law Organization (IDLO) na magtatag ng DOJ Academy at makabuo ng mentoring program para sa mga prosecutor.
Ang IDLO ay isang global intergovernmental organization na nagsusulong ng rule of law para sa kapayapaan at pag-unlad na tutugon sa kasalukuyang pangangailangan.
Sa kalatas, sinabi ng DOJ na kinikilala ng Pilipinas at Estados Unidos ang pangunahing papel ng isang matatag na prosecutorial institutions upang mapanatili ang tiwala ng publiko at matiyak ang maayos na justice systems.
Nakipagpulong kamakailan sina Justice Undersecretary Jesse Andres at OIC Prosecutor General Richard Fadullon sa mga kinatawan ng INL at IDLO para magpasalamat sa kanilang suporta.
Sinabi ni Andres na malaking tulong ang ibinahagi ng US government na bigyan kaalaman ang mga piskal sa pag-iimbistiga sa money laundering, terrorism financing, at environmental crimes.
Tiniyak naman nina INL Deputy Assistant Secretary Brandon Yoder, INL Deputy Director in the Philippines Luke Bruns at IDLO-Philippines country manager Atty. Siavash Rahbari ang patuloy na suporta sa DOJ.
EVELYN GARCIA