MULING iginiit ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ang pangangailangan at pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers matapos tamaan at higit na maapektuhan ang libo-libong OFW ng COVID-19.
Ayon kay Sen. Go, napapanahon na muling buhayin ang kanyang isinusulong na panukalang DOFW Bill sa Senado.
“Maraming nawalan ng trabaho dala ng COVID-19. Apektado po ang mga empleyado rito sa bansa at pati rin ang mga nag-tatrabaho abroad.
Mas maisasaayos ang mga programa at serbisyo ng gobyerno para matulungan ang mga apektadong Filipino kung mayroong sariling departamento na mamamahala sa mga pangangailangan ng mga OFW,” sabi ni Go.
Base sa panukalang batas ni Go, and Department of Labor and Employment (DOLE) ang tututok sa domestic labor habang and DOFW ay siyang tututok sa mga OFW.
“Nararapat lamang na may tumutok sa mga pangangailangan ng OFW lalo na ‘yung napilitang bumalik sa bansa.
Matagal din silang nagsakripisyo at nawalay sa kanilang mga pamilya.
Hindi po matutumbasan ang hirap na dinanas nila para lang buhayin ang mga pamilyang iniwan nila dito,” anang senador.
“Ngayong napilitan silang umuwi dahil sa krisis, dapat lang bigyan ng sapat na atensiyon ang kanilang mga pangangailangan para matulungan ang ating mga bagong bayani na makabangon muli,” dagdag ni Go.
Inaasahan ng pamahalaan na aabot sa mahigit 300, 000 OFWs ang uuwi sa Filipinas bunsod na rin ng kawalan ng trabaho dulot ng COVID-19.
Comments are closed.