DEPARTMENT OF OFWs INAASAHANG MAISASABATAS NA

Karlo Alexi Nograles

TIWALA si Pangulong Rodrigo Duterte na maipapasa ng Kongreso bago mag-Disyembre ang panukalang Department of OFWs.

Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles na sa sandaling maisabatas ang nabanggit na panukala ay maituturing aniya itong  maagang pamasko ng gobyerno para sa mga Filipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.

Natalakay at napagdebatehan na ang Department of OFW bill  noong nakalipas na Kongreso kaya kaunting pagbusisi na lamang para maisabatas ito.

“Palagay ko kayang ipasa dahil napag-usapan  na rin  ‘yan noong  previous Congress  eh.  May mga  debate  na, konting  refinement  at improvement  na  lang,” wika ni Nograles.

Ayon kay Nograles, nais ni Pangulong  Duterte na maging regalo sa  mga OFW ang batas bago mag-Pasko kung kaya’t nais niyang maipasa agad ang panukalang batas.

“Alam naman natin na  marami tayong  mga kababayan nating OFWs ang  umuuwi tuwing  pasko so ito ‘yung  pa-Christmas  gift. So hiling namin sa  House  of Representatives pati sa Senado eh gawin na lang  natin ‘yung  gusto ng Pangulo para  lahat tayo ay kasama sa  pa-Christmas natin sa  mga  OFW,” dagdag pa ni Nograles. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.