MULING ipinaalala ng Bureau of Immigration (BI) sa mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO workers na sundin ang itinakdang deadline ng pamahalaan na umalis ng bansa bago matapos ang taon.
Ayon kay Commissioner Joel Anthony Viado, mahalaga ang pagsunod ng mga dayuhang manggagawa habang papasok ang Disyembre dahil may 31 araw na lang para tuparin ang kautusan ng gobyerno kaugnay ng pagtigil ng operasyon ng POGO.
Layon ng BI na gawing maayos at sistematiko ang proseso ng pag-alis ng mga apektadong dayuhang manggagawa kaya muling nagpaalala ukol sa deadline.
Pinayuhan ang mga apektadong indibidwal na maghanda agad ng kinakailangang dokumento at travel arrangements upang maiwasan ang aberya.
Sa datos ng BI noong Nobyembre 7 nasa 21,757 na POGO workers ang boluntaryong nag-downgrade ng kanilang mga work visa sa temporary visitor visas samantalang 10,821 na ang umalis ng bansa.
Noong Oktubre, naglabas ang BI ng kautusan para kanselahin ang visa ng 12,106 na dayuhang manggagawa na hindi pa nagda-downgrade ng visa.
Binalaan ni Viado na ang mga hindi makakasunod sa deadline ay sasailalim sa deportation proceedings at maisasama sa blacklist.
Ayon sa BI, inaasahan nilang nasa 20,000 pang dayuhang manggagawa ng POGO ang aalis sa bansa sa mga susunod na linggo.
RUBEN FUENTES