DEPED AT LGUs TULONG (Sa paghasa sa pagbabasa ng mga estudyante)

Win Gatchalian

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education na makipag-ugnayan sa mga local government unit (LGUs) upang palakasin ang mga programa sa pagbabasa. Ito ay matapos lumabas sa mga pre-test ng Philippine Informal Reading Inventory 2019 (Phil-IRI) na may malaking bilang ng mga mag-aaral sa Bicol ang nahihirapan pa ring bumasa.

Isinasagawa ang Phil-IRI upang suriin ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbasa at pag-unawa ng English at Filipino. Ayon kay Gatchalian, dapat gagamitin ang mga resulta ng Phil-IRI upang magabayan ang programa ng mga paaralan at mga LGU. Sa kasalukuyan, hindi pa nilalabas ng DepEd ang kabuuang resulta ng naturang assessment.

Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, mahirap ilabas ang kabuuang resulta ng Phil-IRI dahil hindi ito standardized tulad ng National Achievement Test (NAT). Kaya naman mahirap gamitin ang nakalap na datos bilang basehan ng analysis at polisiya. Paha­yag naman ni Gatchalian, sayang lamang ang panahon kung hindi magagamit ang resulta ng Phil-IRI sa pagdisenyo ng mga programa at mga intervention.

“Mahalagang tutukan natin nang husto itong Phil-IRI. Kailangan natin ng assessment sa buong bansa at ianunsiyo ang magiging resulta,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sa kalalabas na resulta ng Phil-IRI,  nasa 20,857 mga mag-aaral na nasa Grade 4 hanggang Grade 6 ang nahihirapang bumasa sa English. Mahigit 18,143 mag-aaral naman mula Grade 3 hanggang Grade 6 ang nahihirapang magbasa sa Filipino.

“Mahalagang malaman natin ang kabuuang larawan pagdating sa kakayahan ng ating mga mag-aaral upang malaman natin kung paano ba natin ma-iaangat ang kanilang kakayahang magbasa. Matapos lumabas itong datos ng Phil-IRI sa Bicol, malinaw sa atin ngayon kung bakit kaila­ngan natin ng reporma sa ating sistema ng edukasyon upang masigurong walang batang maiiwan,” pahayag ni Gatchalian.

Binahagi ni Gatchalian bilang isang halimbawa ang isang programang inilunsad noong 2014 sa Valenzuela na tinawag nilang “Summer Reading Camp”.  Ini­lunsad ito matapos lumabas sa  resulta ng Phil-IRI noon na 83 porsiyento ng mga mag-aaral sa lungsod ang nahihirapang bumasa. Ang “Summer Reading Camp” ay isinasagawa sa isang buwan at sa loob ng apat na oras kada araw at layon nitong hasain ang kakayahan ng mga mag-aaral na bumasa at intindihin kung ano ang binabasa.

Nasa 18,736 mga mag-aaral sa Grade 3 hanggang Grade 6 ang lumahok sa unang “Summer Reading Camp.” Noong 2016, lumabas sa isang ulat ng Development Academy of the Philippines na 5,536 sa 6,375 mga non-readers sa Valenzuela ang nagkaroon ng sapat na kakayahang bumasa.