DEPED, COMELEC, DOST, MAGKASANIB SA HALALAN 2022

Leonor Briones

MAGKASANIB puwersa ang Department of Education (DepED), Commission on Elections (Comelec), at Department of Science and Technology (DOST) upang matiyak na magiging maayos ang paghahanda para sa dara­ting na National at Local Elections sa Mayo 9, 2022.

“With three agencies working and cooperating very closely and linking our various campaigns, we can communicate with the public our joint efforts to assure free, fair, and clean elections,” saad ni Education Secretary Leonor  Briones sa gina­nap na virtual na paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kamakailan.

Ayon sa MOA, pa­ngungunahan ng DepEd ang proseso ng pagpili ng mga guro na magsisilbing mga miyembro ng electoral board habang ang DOST naman ang naatasan sa upskilling activities at sertipikasyon sa ilalim ng Automated Election Law.

Siniguro naman ng mga ahensiya sa publiko na sasailalim sa pagsasanay at written examination ang mga miyembro ng electoral board, na isasagawa ang virtual at practical examination sa paggamit ng mga vote-counting machine.

Samantala, nagpaha­tid si Briones ng pasa­salamat sa Komisyon sa pagpayag nito na itaas ang honora­rium ng mga mi­yembro ng electoral boards, na bubuuin ng mga guro.

Base sa inilabas na Comelec Resolution No. 10727, makatatanggap na ngayon ang Chairperson ng Electoral Board ng ₱7,000; mga miyembro ng Electoral Boards – ₱6,000; Department of Education Supervisor Official (DESO) – ₱5,000; at Support Staff – ₱3,000.

“Ang DepEd naman, sa bawat eleksiyon, plebesito at ang lahat ng ating electoral exercise, ay alam ng bawat Pilipino na tumutulong sa Comelec ay ang ating mga guro.

“Hinding-hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga teacher tuwing eleksiyon para sa ating bayan,” wika naman ni Comelec Chairman She­riff Abas.

Samantala, binanggit naman ni DepEd Undersecretary Alain Del Pascua na nitong Enero 19, nasa 681,283 na mga guro at kawani ang nakapag-sumite na ng kanilang aplikasyon para sa digital signature base sa datos ng DepEd Learning Management System.

Dumalo naman sa naturang MOA signing sina Undersecretary for Field Operations Atty. Revsee Escobedo at mga opisyal mula sa Comelec at DOST. BENJIE GOMEZ