CAVITE- IPINAGLULUKSA ng Department of Education ang pagkasawi ng isang Grade 5 student matapos maaksidente sa loob ng pinapasukang paaralan sa lalawigang ito.
Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa pamilya ng isang Grade 5 student ng
Sinaliw Malaki Elementary School sa Alfonso, Cavite.
Nasawi ang nasabing mag-aaral at ikinasugat ng 3 kaklase nito matapos na bumigay ang kinauupuan at nahulog sa septic tank.
Batay sa pahayag ng DepEd, nakikipag-ugnayan na ang mga opisyal ng nakasasakop na Schools Division sa pamilya ng biktima para sa anumang tulong na kanilang ipagkakaloob.
Patuloy namang nakatutok ang Kagawaran sa kalagayan ng 3 pang estudyante na nasugatan sa aksidente.
Nakikipag-ugnayan na rin ang mga school head sa lokal na Pamahalaan para sa tulong medikal at psychological first aid.
Nabatid sa ulat ng Alfonso PNP na nanananghalian lamang ang apat na estudyante nang bumigay ang kinauupuan nilang konkreto at mahulog sa pozo negro. P ANTOLIN