DEPED NAKATUTOK SA DIGITALIZATION NG SCHOOLS SA LEYTE

MINO-MONITOR ni Education Secretary Sonny Angara, kasama ang Exe­cutive and Management Committee Members ng ahensya, ang mga paaralan sa Leyte upang suriin ang pagpapatupad ng mga programang digitalization at suriin ang mga kalulangan sa mga pasilidad ng gusali ng paaralan.

Bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na tugunan ang mga hamon, nakipagpulong si Angara sa mga guro sa Leyte National High School sa Tacloban City.

Ang nasabing paaralan ay itinuturing na pinakamalaking paaralang sekon­darya sa Silangang Visayas at nagbibigay ng serbisyo sa 8,954 na mag-aaral sa kasalukuyan.

Binisita rin ng DepEd ang St. Francis Elementary School, na lubhang naapektuhan ng Bagyong Yolanda noong 2013. Ang nasabing paaralan ay natukoy na may kakulangan sa mga pasilidad  at silid-aralan dahil sa kasalukuyan ay tinitirhan ito ng 547 na mag-aaral sa Temporary Learning Spaces.

Sa pakikipag-ugnayan sa  Leyte sa pamumuno ni Gov Jericho “Icot” L. Petilla, nasubaybayan ng mga opisyal ang pagpapatupad ng digitalization program ng pamahalaang panlalawigan ng Leyte sa Cogon Elementary School.

Tinapos ni Angara ang Leyte school visit sa Alang-alang National High School para saksihan ang Khan Academy de­monstration bilang bahagi ng proyekto ng ahensya para sa gagana­ping Program for International Student Assessment.

Bukod dito, naobserbahan din ng Departamento ang una at tanging hub ng edukasyon para sa Alternative Learning System sa Girls’ Education Center sa Palo, Leyte.

Ang inisyatiba ay ba­hagi ng “Better Life for Out-of-School Girls to Fight Poverty and Injustice in the Philippines” na proyekto ng DepEd, United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization, at Korea International Cooperation Agency.

Ang Education Chief at ang iba pang miyembro ng ExeCom ay makikipagpulong sa mga regional director para pag-usapan ang iba’t ibang programa ng DepEd sa  Tacloban City.

Elma Morales