DEPED OFFICIAL TODAS SA PANANAKSAK

ORIENTAL MINDORO- NAMATAY sa tatlong tama ng saksak sa leeg ang isang opisyal ng Department of Education (DepEd) makaraang pagbalingan ng dalawang suspek na inaawat nito ang ginawang pananaksak sa kanyang mister sa Sitio Sta. Ana, Barangay Cacawan sa lalawigang ito.

Sa report ng MIMAROPA police office, kinilala ang mga biktima na sina Gina Pasumbol, 43-anyos at ang asawang si Romeo Pasumbol, 45-,anyos na residente ng Pinamalayan, Oriental Mindoro.

Ang nasawing ginang ay kasalukuyang provincial disbursement officer ng DepEd sa Oriental Mindoro.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Pinamalayan police office, matapos umanong lumabas ng kaniyang tanggapan ang biktima ay niyaya umano ito ng kanyang mister na bisitahin ang ipinagagawa nilang apartment sa Sitio Sta.Sta Ana ng nasabing bayan.

Ayon sa pulisya, habang nasa loob ng building ang biktima ay narinig nito ang paghingi ng saklolo ng kanyang mister mula sa labas ng apartment.

Dali-dali umanong lumabas ang biktima at doon nito nakita na sinaksak ng mga suspek ang mister nito kaya mabilis itong lumapit para umawat subalit siya naman ang napagbalingan ng mga salarin.

Mabilis na isinugod sa Delos Reyes hospital sa Pinamalayan ang mga biktima subalit dead on arrival ang opisyal samantalang ginagamot naman ang mister nito na nagtamo ng saksak sa katawan.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek. ARMAN CAMBE