INIHAYAG ni ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap na maghahain siya ng resolusyon para pagpaliwanagin ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) upang malinawan kung ano talaga ang nararapat na gawin ng pamahalaan para sa pagbubukas ng school year 2020-2021.
Ayon kay Yap, ang paghahain niya ng resolusyon ay bunsod ng magkaka-iba at magulong mga pahayag ng iba’t-ibang opisyal ng mga ahensiya ng pamahalaan ukol sa pagbubukas ng klase sa darating na Agosto.
“Once and for all, ano ba talaga? Safe bang buksan ang klase sa Agosto o hindi? Nalilito ang publiko dahil sa magkakaibang pahayag. Kailangang makasiguro tayo at dapat tama ang aksiyon natin dahil kapakanan ng mga estudyante ang nakasalalay rito,” ani Yap.
Kamakailan ay mismong si Pres. Rodrigo Duterte ang nagpahayag na hindi siya payag na magsimula ang mga klase sa bansa hangga’t walang bakuna laban sa virus na COVID-19. Pero ayon mismo sa tagapagsalita ng palasyo na si Sec. Harry Roque ay tuloy ang pagbubukas ng klase sa darating na Agosto 24.
Maging ang Department of Health at Department of Education may kanya-kanyang opinyon ukol sa pagbubukas ng klase ngayong Agosto.
“Gusto po nating malinawan ang isyu na ito para masigurong ligtas ang ating mga estudyante sa pagbubukas ng klase,” giit ng mambabatas.
Layunin din umano ng resolution at imbestigasyon na matukoy ang kahandaan ng mga ahensyia ng pamahalaan sa pagpapatupad ng “new normal” sa mga paaralan, sakaling matuloy ang pagbubukas ng klase.
“Nakahanda ba tayo sa pagbabalik eskwela ng milyon-milyong mag-aaral? Ito ang aalamin natin kung ano ba ang mga ginagawa nilang paghahanda para sa mga new normal ng ating mga paaralan,” ani Yap.
Sa huli, iginiit ng mambabatas na basta masiguro ang kaligtasan ng mag-aaral ay ‘yun ang irerekomenda nila para sa magiging desisyon ng pamahalaan sa pagbabalik eskuwela.
Comments are closed.