HINIHIKAYAT ng Department of Education (DepEd) ang mga tauhan ng paaralan at mga mag-aaral na makisali sa patuloy na vaccination drive ng gobyerno, na pinalalawak na ngayon sa mga bata.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones, bakuna ang susi upang maprotektahan ang kominidad at mga bata laban sa banta ng COVID-19. Kung magkakaroon umano ng karagdagang proteksyon ay maipatutupad na ang ligtas na pagbabalik sa paaralan habang tinutulungan din ang ekonomiyang makabangon.
“Together with our teachers and learners, DepEd will continue to be a part of our government’s whole-of-nation approach against COVID-19,” dagdag oa niya.
Iginigiit din ng DepEd sa lahat ng opisina at mga iskwelahang sakop nila na makiisa sa kani-kanilang Local Government Units (LGUs) hinggil sa patuloy na vaccination drive sa mga bata at education frontliners.
Base sa Department of Health (DOH) Circular No. 2021-0483, o Interim Operational Guidelines on the COVID-19 Vaccination of the Rest of the Pediatric Population (ROPP) Ages 12-17 Years Old, ROPP ang mga batang edad 12-17 anyos ay pinapayagan nang maturukan ng COVID-19 vaccines mula sa last quarter ng 2021.
Ang mga minors na may edad 12-17 anyos na magpapabakuna ay kailangang magbigay ng dokumentong magpapatunay ng kanilang edad tulad ng Birth Certificate na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA). Tatanggapin din ang mga secondary documents, basta may kasamang valid government ID ng magulang at ng babakunahan. Bukod diyan, kailangan din ang written consent ng magulang.
Higit pa diyan, hinihikayat ni Briones ang mga guro at non-teaching personnel na magpaturok na rin ng booster kapag pwede na sila.
“We are reminding our personnel and offices to not wait since local government units are already vaccinating and giving COVID-19 jabs to their constituents,” sabi pa niya
Samantala, sinabi ng DepEd Task Force COVID-19 (DTFC) na mas palalawakin pa ang kasalukuyang arrangements sa paggamit ng mga iskwelahang pampubliko bilang vaccination sites, at ang mga iskwelahang dati nang ginamit bilang vaccination sites ay hinihikayat ding magbukas ng pediatric vaccination.
Binigyang diin din ng DepEd na ang partisipasyon ng kanilang mga tauhan at empleyado bilang miyembro ng vaccination teams ay boluntaryo at hindi sapilitan. Binibigyan din sila ng suportang nakasaad sa DepEd Memorandum 28, s. 2021, o Comprehensive Guidance on the Participation of the Department of Education in the Implementation of the Philippine National Deployment and Vaccination Plan for COVID-19 Vaccines.KAYE NEBRE MARTIN