DEPED WALANG KAHANDAAN

MASAlamin

HINDI  pa handa ang Department of Education sa plano nitong pagbubukas ng klase sa Agosto kaya hindi dapat nila ito ipinipilit at tigilan na ang pambobola nila kay Pa­ngulong Rodrigo Roa Duterte.

Bakit nga ba ipi­nipilit? Bakit nga ba niloloko ang Pangulo? Ano ang mahiwagang dahilan?

Nasa 47,000 ang mga public school sa buong bansa at mayroon ‘yang 27 milyon na mga mag-aaral. Ngayon sa online learning, ilan sa 27 milyon na mga batang ‘yan ang may access sa internet? Ilan sa 47,000 na mga paaralan ang may connectivity?

Ngayon sa methodology na gagamitin sa pagtuturo, bakit hindi ito ginawa ng DepEd central office at iniaasa ang paggawa nito sa mga guro? Paano iko-conduct ang mga klase?

Sabi blended learning, paano ang mga reading material? Nabubuwang na ba talaga ang DepEd na magbubukas ng klase sa Agosto, e wala pa nga silang naihandang modules magpahanggang ngayon para sa 13 grade levels na may minimum na anim na mga subject kada grade level! Ang senior high school nga wala pang reading material hanggang ngayon,  tutuhugin pa ang 12 grade level!

Bakit iniaasa ng DepEd ang mga modules sa field teachers imbes na ang central office? E ‘di chopsuey ‘yan dahil mawawala ang uniformity! At ano ang malay ng isang ordinaryong guro sa paggawa ng module?

Paano gagawin ito ng mga guro, at kung maipilit man e paano ang magiging implementasyon, at kung mai-implement man, ano ang mangyayari sa pangkalahatang edukasyon ng mga mag-aaral?

Ibig sabihin, iba ang magiging module ng isang siyudad kum­para sa katabing siyudad, ng isang lalawigan kumpara sa katabing lalawigan. Ano ang ginagawa ng Curriculum Bureau ng DepEd, mga linsyak kayo at iniaasa ninyo sa mga guro ang trabaho ninyo?

Comments are closed.