DEPLOYMENT NG OFWs SA SAUDI SUSPENDIDO PA RIN

NANANATILING suspendido ang deployment ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ginawa ng DOLE ang paglilinaw kasunod ng pekeng advisory na may titulong  “Advisory No. 69 series of 2022” at may petsang April 4, 2022, na nagsasabi na inalis na ang deployment ban ng bansa sa Saudi.

“It is fake! There is no iota of truth to the content of that advisory. The suspension of deployment (to Saudi Arabia) remains,” sabi ni DOLE Information and Publication Service director Rolly Francia sa isang statement.

Ayon kay Francia, ang pekeng advisory ay naglalayon lamang na magdulot ng kalituhan sa publiko at sa mga manggagawa na nais magtrabaho sa kingdom.

Kinumpirma na rin, aniya, ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) chief Bernard Olalia na wala siyang nilagdaan o inilabas na advisory.

“The unscrupulous authors of the sham manufactured the document by using an old advisory and substituted its contents for it to appear as a legitimate issuance. Thus, it also suggests intention to compromise the credibility of POEA and injure the current leadership of the agency,” dagdag ng labor official.

Humingi na rin ng tulong ang DOLE sa mga awtoridad para matunton ang pinagmulan ng pekeng advisory.

“We intend to apply the full force of the law to whoever is behind this very criminal act which could undermine the welfare of our migrant workers.” LIZA SORIANO