DEPLOYMENT NG OFWs SA UAE BALIK NA SA MARSO 31

MATAGUMPAY ng lumagda sa isang kasunduan ang Filipinas at United Arab Emirates (UAE) upang matiyak at madagdagan ang proteksiyon ng mga Filipino household service worker (HSW) na magtatrabaho sa naturang bansa, ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa pagtatapos ng dalawang araw na Joint Committee Meeting sa Maynila, napagkasunduan din na muling mag­dedeploy ng HSW sa UAE ngayong katapusan ng buwan na sinuspinde noong 2014.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, isang tagumpay ang naganap na kasunduan bunga ng pagpupunyagi ng pamahalaan para higit na maprotektahan ang mga Filipino overseas worker.

Sinabi naman Undersecretary Claro Arellano na namuno sa delegasyon ng Filipinas, ang bagong deployment ay nasa ilalim ng Unified Employment Contract na magbibigay ng mahigpit na patakaran para mas maprotektahan ang mga Filipino HSW alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kapareho ito ng probisyong nakapaloob sa standard employment contract na ginagamit sa Kuwait.

Sa ilalim ng unified contract, parehong may pananagutan ang employer at ang Foreign Recruitment Agency, gayundin ang Philippine Recruitment Agency sakaling malagay sa panganib ang manggagawang Filipino.

“Lubos kaming nagpapasalamat sa kooperasyon ng a­ting kapilas,” ani Arellano.

Nakapaloob sa four-party contract, bilang addendum sa Memorandum of Understanding on Labor Cooperation with Annex Protocol on Domestic Workers, ayon sa pinag-uutos ni Pangulong Duterte, ang mga sumusunod na probisyon na titiyak sa kaligtasan at kapakanan ng mga HSW:

1. Ang karapatan ng domestic worker sa walong (8) oras na tulog tuwing gabi;

2. Ang karapatan ng domestic worker na magkaroon ng pahinga na may bayad, sa labas ng bahay ng kanyang employer na hindi bababa sa isang (1) buong araw kada linggo;

3. Ang karapatan ng domestic worker na itabi ang kanyang passport o identification document at walang karapatan ang employer na hawakan ito;

4. Karapatan ng domestic worker na magkaroon at gumamit ng cellular phone at iba pang communication device at pagbabawal sa employer na kumpiskahin ito;

5. Pagbubukas ng bank account sa pangalan ng domestic worker para sa pagbabayad ng kanyang sahod; at

6. Karapatan ng domestic worker na magluto ng kanyang sariling pagkain.

Isa pang tagumpay sa JCM ang kasunduan na pagpapalit ng tourist/visit visa bilang working visa. Batay sa napagkasunduan sa ginanap na JCM, ipagbibigay-alam sa POLO kung ang visit visa ng Filipino domestic worker ay napalitan na bilang employment visa.

Muling binigyang-diin ng Filipinas ang posisyon nito na pagde-deploy ng mga manggagawa gamit ang legal na paraan at pagpapalit ng tourist visa bilang working visa upang maiwasan ang illegal recruitment at trafficking in person.

Samantala, nangako ang UAE na magbibigay ito ng bagong Unified Employment Contract na nakasaad ang bahagi ng Pilipinas sa mungkahi nitong addendum sa susunod na JCM, gayundin sa ginanap na pagtalakay ng Technical Working Group ukol sa electronic system at linkage, nagkasundo ang parehong panig na ipatutupad na ang Addendum para sa muling pagde-deploy ng domestic workers batay sa manual process.

Ang UAE delegation sa JCM ay pinamunuan ni Saif Ahmed Alsuwaidi, undersecretary of Human Resources and Emiratisation. PAUL ROLDAN

2 thoughts on “DEPLOYMENT NG OFWs SA UAE BALIK NA SA MARSO 31”

Leave a Reply

Your email address will not be published.