IPAGBABAWAL na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang deployment ng Filipino seafarers sa mga barko na nasa ilalim ng kompanya na ang mga sasakyang pandagat ay inatake ng Houthi rebels sa Red Sea.
Ang kompanya ang may-ari ng mga barkong Galaxy Leader, True Confidence at Tutor na pawang inatake ng Houthi.
Isang security team na binubuo ng Philippine Navy, Coast Guard, MARINA at DFA ang magsasagawa rin ng security assessment bago payagan ang sinumang Pinoy na sumampa sa mga barkong patungong Red Sea.
Samantala, tiniyak ni DMW Secretary Hans Cacdac na ang lahat ng 27 Filipino seafarers sa MV Transworld Navigator na inatake ng Houthis sa Red Sea ay ligtas, hindi nasaktan at patungo sa ligtas na daungan.