HINDI idineport, kundi kusang umuwi sa Pilipinas si dating Philippine National Police (PNP) Chief, Retired General Rodolfo Azurin Jr.
Ito ang paglilinaw ni Azurin sa ulat na na-deport siya sa Canada makarang tangkaing bumalik doon mula Pilipinas nitong Setyembre 17 subalit hinarang siya sa immigration ng nasabing bansa.
Si Azurin ay tatlong buwang namalagi sa Canada mula Mayo hanggang Agosto matapos magretiro noong Abril.
Susunduin sana ni Azurin ang kanyang misis para magtungo sa Estados Unidos subalit sa hindi malamang dahilan, ay hinarang siya ng Immigration doon.
Dahil sa pangyayari ay napilitan na lamang siyang umuwi ng Pilipinas noong September 21 sakay ng Philippine Airlines Flight PR510.
Umaasa naman ang retiradong heneral na paiimbestigahan ito ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. at pananagutin ang mga responsable sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Dumistansiya naman ang PNP sa isyu at sinabing wala silang impormasyon ukol sa deportasyon ng dati nilang hepe.
Sinabi ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo na wala silang alam na pending case ni Azurin kaugnay sa usapin ng 990 kilo ng shabu.
“Wala kaming information about that. Hindi siya (Azurin) kasama sa sinampahan ng kaso (shabu haul),” ani Fajardo.
Samantala, batay sa ipinadalang larawan si Azurin, kasalukuyan itong nasa US para dumalo sa isang kasal pero handa na raw siyang humarap sa media kapag nakabalik na sa bansa at personal niyang lilinawin ang “deport news” laban sa kanya. EUNICE CELARIO