DEPRESYON: PAG-USAPAN AT TANGGAPIN

DEPRESYON

HINDI biro ang depresyon. Isa itong karamdaman na ang katumbas ay sakit sa puso, high blood at kanser.

Sa isang taong mayroong mental health illness o depresyon, hindi natin puwedeng sabihing nasa isip lamang nila ito. Kailangan nila ng taong iintindi sa kanila. Kaila­ngan ng mahabang pasensiya at matiyagang pang-unawa sa kanilang kalagayan dahil katulad ng ibang sakit, hindi nila ito ginusto.

Sa adbokasiyang inum­pisahan ni 2016 Ms. International Kylie Verzosa matapos siyang manalo sa naturang beauty pageant, nais nitong matugunan nang personal ang pinagdaraanan ng mga taong may ganitong uri ng karamdaman.

Nagsimula ang grupo ni Kylie sa Facebook Page na Mental Health Matters by Kylie Verzosa. Patuloy itong lumalawak hanggang sa naiimbitahan na ang grupo sa mga speaking engagement sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Maging ang mga magulang ni Kylie na sina Manong Ari na dumanas ng “bipolar depression” at Raquel Verzosa ay aktibong nagtataguyod ng ganitong karamdaman.

Ayon sa mga eksperto at ilang dumanas ng dep­resyon, makabubuting ibinabahagi ang problema sa pamilya at mga kaibigan. Malaki rin ang maitutulong kung matututunang tanggapin ang dinaranas nang magkaroon ng katiwasa­yan ang pag-iisip.

RECOGNIZE. GET HELP. THRIVE.

Ito ang tema sa gina­nap na 3rd Mental Health Awareness Seminar na inorganisa ng Mental Health Matters by Kylie Verzosa sa Forest House Assessment and Trainings Center, Inc. (FHATCI), 51 Green Water Village, Baguio City noong March 31.

Kabilang sa inimbitahang tagapagsalita ay si Cassandra Anne Silverman, isang Child Therapist. Tinalakay nito ang “Breaking Down Myths and Misconceptions about Mental Health”. Samantalang ang topic naman ng isa pang speaker na si Dr. Ramona Abat, Psychiatrist ay tungkol sa “Under-standing Mental Illness: Common Signs and Symptoms.”

Nagbigay rin ng magandang mensahe si Amado “Madz” Aspiras, Training and Development Lead, para sa kaniyang “Mental Health and the Work-place”. Kasunod nito si Ryan Camarillo, Pranalaya Yoga & Wellness Ashtanga Yoga Teacher, para sa “Breath is the Song of your Soul: Mindfulness for Mental Health and Longevity.”

Bumaha ng luha ang apat na sulok ng FHATCI sa makabagbag damda­ming kuwento ni Sheila Guevara-Suntay, Mental Health Advocate at founder ng YOLO, isang non-profit organization for mental health awareness, para sa kaniyang “Living with Grief in your Heart.” Kukulangin ang pahinang ito para sa kaniyang adbokasiya kaya bibigyan natin ng espasyo ang kaniyang kuwento sa susunod na artikulo hinggil sa depression na naging sanhi ng pagkawala ng kaniyang mahal na anak na si Renzo Suntay.

MENTAL HEALTH LAW

Nakatutuwang isipin na nagkaroon ng katuparan ang adbokasiyang ito sa pamamagitan ng pagkakapasa ng Mental Health Law na layong makapagbigay ng abot-kaya at accessible na mga serbisyo tungkol sa mental health sa mga Filipino.

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act 11036  o Philippine Mental Health Law noong 2018 na pa­ngunahing akda ni Senator Risa Hontiveros kasama sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senators Loren Legarda, Antonio Trillanes IV, Paolo Benigno Aquino IV, Juan Edgardo Angara, at Joel Villanueva.

Alinsunod sa batas, maisasama na ang kalusu­gang pangkaisipan sa general healthcare system ng bansa. Gayundin ay mas mailalapit ang mga tulong pangkalusugan sa mga taong dumaranas nito. Isa rin sa kagandahan nito ay ang pagpapababa ng mga serbisyong medikal, makapagbigay ng serbisyo sa mga barangay, mapagsama ang psychiatric, psychosocial, at neurologic na mga serbisyo sa regional, provincial, at tertiary hospitals; mapa-improve ang mental health facilities at ma-ipromote ang mental health education sa mga eskuwelahan at ma­ging sa pinagtatrabahuan.

Comments are closed.