DEPUTY CHIEF OF POLICE TIMBOG SA PANGINGIKIL

BATANGAS- HINDI na nakapalag ang isang mataas na police official makaraang mahuli sa isang entrapment operation na ikinasa ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group sa mismong tanggapan nito sa Balayan municipal police station nitong Biyernes ng umaga sa Balayan sa lalawigang ito.

Kinilala ni BGen. Warren De Leon, PNP IMEG Director, ang suspek na si Captain Ruben Marilag, deputy chief of police ng Balayan police station.

Ayon kay De Leon, si Marilag ay isinumbong ng isang dating loteng operator ng nabanggit na bayan sa walang tigil nitong pangingikil ng P2,000 kada linggo.

Base sa ginawang affidavit ng biktima sa tanggapan ng pulisya, nagbibigay umano siya sa opisyal ng weekly protection money para sa operasyon ng kanyang loteng sa nasabing lugar.

Ayon sa biktima nasuspinde ang kanyang loteng operation noong Marso 2021 ng ma-diagnosed siya na may stage 3 colon cancer at kailangan niyang magpagamot.

Subalit sa kabila umano ng kanyang malubhang kalagayan , patuloy umano siyang pinipilit ng opisyal na magbigay ng lingguhang pera kung kaya’t dito na umano siya humingi ng tulong sa mga awtoridad.

Sa pinagsanib puwersa ng PNP IMEG, 35th PNP special action company, PNP special action force at Balayan municipal police station, agad nadakip si Marilag habang tinatanggap ang marked money mula sa biktima.

Ayon kay De Leon, pang-lima si Marilag sa hanay ng puilsya na inaresto ng kanilang himpilan sa kasong pangingikil. ARMAN CAMBE