BUMISITA sa Bulacan ang delegasyon ng Ministry of Home and Cultural Affairs mula sa Kingdom of Bhutan upang mapalalim ang kaalaman patungkol sa desentralisasyon sa Filipinas.
Sa pangunguna ni Secretary Dasho Sonam Topgay, nag-courtesy call muna ang mga ito kay Gob. Wilhemino M. Sy-Alvarado saka dumiretso sa seminar sa Balagtas Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos City.
Inilahad ni Arlene Pascual, Bulacan Provincial Planning and Development Coordinator, sa seminar ang mga benepisyong nakukuha ng probinsiya mula sa desentralisasyon at ang pagpapatupad ng Participatory Governance.
Bukod dito, ibinahagi ni Bokal Enrique Dela Cruz sa kanyang presentasyon ang pagganap at paggamit ng legislative powers ng pamahalaang lokal tulad ng panghihiram ng pera, pag-isyu ng bonds, concurrence in appointment ng mga empleyado, at tax exemptions na nangangailangan ng kanilang pag-apruba sa pamamagitan ng kanilang pagboto. Ibinahagi rin niya ang kanyang pananaw hinggil sa mga kaganapan sa gobyerno hanggang sa kung ano ang tunay na nangyayari sa reyalidad tulad ng ilang depekto sa pamahalaan.
Tinanong naman ni Topgay ang opinyon ni Dela Cruz tungkol sa 60%-40% na hatian sa International Revenue Allotment.
Ipinaliwanag ni Dela Cruz na ang hatiang ito ay hindi nagaganap sa katotohanan na siyang dahilan ng pagsusulong ng administrasyon na baguhin ang sistema ng pamahalaan tungo sa pederalismo na sinasang-ayunan ng marami dahil mas lalaki ang pondong mapupunta sa mga lokal na pamahalaan.
Ipinaliwanag naman ni Francisco De Guzman, nanunuparang pinuno ng Provincial Budget Office, ang paggamit ng IRA at Local Income Generation.
Ikinagalak naman ni Topgay ang karanasan at natutuhan nila sa seminar. A. BORLONGAN
Comments are closed.