PINAPIRMA ng Blackwater si No. 4 rookie draft pick Paul Desiderio sa 3-year maximum contract.
Ayon kay team manager Joel Co, sabik na ang koponan sa pagdating ng dating player ng University of the Philippines Fighting Maroons.
“At least for Paul, he could now focus on the job at hand. ‘Yung nararamdaman sigurado super saya dahil part na sila ng family ng Blackwater,” wika ni Co.
Si Desiderio ay sinamahan ng kanyang manager sa contract signing na isinagawa sa Reyes Gym sa Mandaluyong City noong Huwebes ng hapon.
Ang Cebuano player ay naging instrumento sa pagpasok ng Fighting Maroons sa UAAP Season 81 men’s basketball finals kung saan naging kampeon ang Ateneo Blue Eagles.
Pinapirma rin ng Blackwater si dating La Salle Green Archers player Abu Tratter sa 3-year maximum deal.
Si Tratter, napiling seventh sa draft, ay sinamahan ng Titan Management Group sa pagpirma sa kontrata.
Sina Desiderio at Tratter ay kinuha ng NLEX sa draft, subalit dinala sa Elite kapalit ni Poy Erram.