Iginiit ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na wala silang kontrol sa desisyon ng gobyerno sa International Criminal Court (ICC) probe.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Justice Secretary Boying Remulla na hindi maaaring pigilan ng Pilipinas ang Interpol na magsilbi ng warrant of arrest laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte at iba pang dating opisyal na sangkot sa war on drugs.
“Nasa kanila ‘yan how they deal with it. Wala kaming control dyan…kung ano talaga ang gusto nila. Kung laban-bawi man sila, kung ‘yan ang policy nila, laban-bawi then so be it,” sinabi ni Dela Rosa.
Kung ito ang mangyayari, sinabi ni Dela Rosa na “he feels betrayed” dahil nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC.
“I feel betrayed kapag ganoon ang nagiging polisiya ng gobyerno. I feel betrayed as a Filipino, being betrayed by my government, kapag ganoon ang polisiya nila,” anang senador.
Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) noong panahon ni Duterte.
Gayunpaman, sinabi ni Dela Rosa na pinaniniwalaan lamang niya ang mga naunang sinabi ni Marcos ukol sa ICC probe.
Samantala, sinabi ng dating PNP chief na wala siyang planong makipag-usap sa Malacañang o Department of Justice sa nasabing isyu.
“Wala akong balak. Bahala sila kung ano talaga ang kanilang gustong gawin. We exercise separation of powers, mayroon silang kapangyarihan bilang masa Ehekutibo, at iba rin ‘yung aming papel sa Lehislatura.”
LIZA SORIANO