ITINUTURING ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na tagumpay kontra droga ang hatol na life imprisonment ng Taguig City Regional Trial Court laban sa umano’y big-time drug pushers.
“This is a crucial victory in a crusade we’ve begun in 2010, the adverse effects of illegal drugs ripple from the individual to the community at large so we’ve maintained the offensive versus this industry. Each drug personality we pin down is definitely a win for the city,” ayon sa alkalde
Ayon sa hatol ni Judge Antonio Olivete ng Taguig RTC Branch 267 noong Setyembre 3, guilty beyond reasonable doubt sa paglabag sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act sina Jose Vastine, Edilberto Ty at Alberto Joaquin Ong at pinag-multa ng P500,000.
Sasailalim din sa rehabilitasyon sina Ong at Vastine sa loob ng anim na buwan sa isang government center sa hiwalay na kasong paglabag sa Section 15 ng Article 2 ng nasabing batas.
Iniutos na rin ni Judge Olivete ang paglipat ng tatlong sentensiyadong drug pushers sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Si Vastine, Ty at Ong ay nahuli sa buy bust operation kung saan nakuhaan sila ng mahigit dalawang kilo ng high-grade cocaine na nagkakahalaga ng P10 milyon noong 2011.
Magugunita na ang mga miyembro ng Tinga Drug Syndicate na sina Joel Tinga at Elisa “Ely” Tinga ay nasentensiyahan na rin ng reclusion perpetua dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga noong September 2016 at February 2017.
Ang Taguig, sa ilalim ng liderato ni Mayor Lani, ay nagpatupad ng “one-strike policy” laban sa mga business establishment na mahuhuling nagbebenta o pumapayag na gumamit ng droga ang kanilang mga customer. PILIPINO Mirror Reportorial Team