Ipinababawi ng Office of the Solicitor General (OSG) ang desisyon ng Supreme Court (SC) na pinapayagang makakuha ng regular license ang foreign construction firms upang makapangontrata sa bansa ng kahit na anong proyekto mula sa gobyerno o pribado.
Sa Motion for Reconsideration (MR), iginigiit ng OSG na dapat manatili ang mga limitasyon sa partisipasyon ng mga dayuhan sa construction industry upang maprotektahan ang mga interes ng Pinoy contractors at construction workers.
Nilalaman ng MR ng OSG sa SC na tatamaan ang mga lokal na kontratista mula sa micro, small and medium enterprises (MSMEs), kabilang ang mga propesyonal, empleyado, at manggagawa sa industriya, sa pagdagsa ng foreign contractors kapag nabigyan ng regular license ang mga ito.
Ang mosyon, na inihain ng OSG para sa Philippine Contractors Accreditation Board, ay pirmado nina Solicitor General Jose Calida, Assistant Solicitor General Ma. Antonia Edita Dizon, at State Solicitor II Perfecto Adelfo Chua Cheng.
Base sa implenting rules and regulations ng Contractors’ License Law, tanging mga kompanya na di-bababa na 60 porsiyentong pag-aari ng Pilipino ang pinapayagang makakuha ng regular license na magagamit sa kahit ilang kontrata sa loob ng isang taon habang special license ang ibinibigay sa foreign firms at kailangang may hiwalay na lisensiya ang bawat kontrata.
Binigyang-diin ng OSG sa mosyon nito na ang maliliit na proyekto, na hindi naman nangangailangan ng technical expertise at makabagong teknolohiya, ay kaparat-dapat na igawad sa 15,061 na lokal na kontratista mula sa MSMEs na 97 porsiyento ng kabuuang 15,533 na lisensiyadong kontratista sa buong Pilipinas.
Ang posisyon ng OSG ay suportado ng malalaking construction group sa pangunguna ng Philippine Constructors Association Inc., Cebu Contractors Association Inc., at Davao Constructors Association Center Inc.
Comments are closed.