DESISYON NI GO RESPETADO NI DUTERTE

UMAPELA ng pang-unawa at paumanhin sa kanyang mga tagasuporta at mga kababa­yan si Senador Christopher ‘Bong’ Go kasunod ng kanyang pinal na desisyong hindi na tatakbo sa pagka-Pangulo.

Sinabi ni Go na aminado siyang malungkot pero umaasa siyang mauunawaan ng mga kababayan ang kanyang pagsasakripisyo alang-alang sa kanyang pamilya, kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa sambayanan.

Kinumpirma ni Go na nirerespeto ni Pangulong Duterte ang kanyang desisyon nang magkausap sila lalo na at sangkot ang pamilya.

Samantala, umapela si Go sa kanyang mga tagasuporta na tulungan si Pangulong Duterte na makahanap ng susuportahang kandidato para masigurong maipagpapatuloy ang mga magagandang nasimulan ng kanyang administrasyon.

Nanawagan din si Go sa kanyang mga tagasuporta na huwag na siyang abangan sa Comelec dahil sa ngayon ay nasa Min­danao siya at namamahagi ng tulong sa mga kababayang nangangailangan ng tulong.

Tiniyak naman ni Go na saan man siya dalhin ng tadhana ay tuloy ang kanyang pagseserbisyo sa mga kababayan. VICKY CERVALES