DESTAB SA GOBYERNO, FAKE NEWS-CBCP

Archbishop Antonio Ledesma

WALANG  kredibilidad ang testigo na nagdadawit sa iba’t ibang personalidad at ilang opisyal ng Simbahan sa planong destabilisasyon laban sa pamahalaan at maituturing na ‘fake news’ ang mga akusasyon nito.

Ito ang naging pahayag ni Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, chairman ng Episcopal Commission on Mutual Relations ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kaugnay ng pagkakasangkot ng mga lider ng Simbahan sa sedition case na isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Binigyang-diin ni Ledesma na maituturing na “fake news” ang mga sinasabi ni Peter Joemel Peter Advincula, alyas ‘Bikoy,’ dahil sa kawalan nito ng integridad bilang testigo ng PNP.

Iginiit niya na dapat sundin ng PNP ang due process sa mga kasinu­ngalingan ni Advincula.

“Well that is definitely parang fake news para sa akin sapagkat ang witness diyan is not credible himself, dapat nga we should really follow the due process na pakinggan din ‘yung other side to it, alam din natin na maraming fabrication na mga charges ngayon among innocent people so dapat we should really follow the due process here at susundin din natin ang batas tungkol dito,” ani Ledesma sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Kabilang sa 35-indibiduwal na kinasuhan ng sedition ng PNP-CIDG ay sina Vice President Leni Robredo at ilang mga opisyal ng Simbahan ka-bilang na sina CBCP Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, dating  CBCP president at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Vil-legas, Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr., Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Robert Reyes at Jesuit Priest na si Fr. Albert Alejo.

Matatandaang si Bikoy ang nasa likod ng ‘Ang Totoong Narcolist video serye’ na nagdawit sa pangalan ng pamilya Duterte sa kalakaran ng droga na agad na binawi ang pahayag matapos buhayin ng PNP ang patong-patong nitong kaso.

Nauna na ring ipinagtanggol ni CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles ang ilang obispo at pari sa pagkakasangkot sa nasabing kaso at ipanana­langin ang pag-iral ng katarungan at katotohanan sa lipunan.

Samantala, sa kabilang dako, tiniyak naman ng mga layko na suportado nila ang mga obispo at mga pari na nahaharap sa pang-uusig dulot ng mga maling paratang.

Ayon kay Marita Wasan, pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas, walang basehan at walang katotohanan ang kasong sedition at cyber libel na isinampa ng mga awtoridad laban sa mga lingkod ng simbahan at ilang miyembro ng oposisyon na kilalang mga kritiko ng administrasyong Duterte.

“We as Sangguniang Layko ng Pilipinas, tayong lahat na miyembro ng Layko, ‘yung mga nabinyagan at nakumpilan ay dapat na ipinapahayag ang ating pagtutol kasi wala itong katotohanan at walang basehan. This is persecution of the Church and we know that,” ayon sa pahayag ni Wasan sa pa-nayam ng Radio Veritas.

Iginiit ni Wasan na kasama ang Sangguniang Layko sa mga nakikiisa sa pagbibigay ng suporta sa mga inuusig na obispo at pari at panalangin aniya ang mabisang sandata ng sambayanan laban sa mga naturang maling paratang.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.