DETENTION FACILITY NI ALICE GUO HANDA NA

NAKAHANDA na ang detention facility para kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ang inihayag ni Senate Sergeant at Arms, retired General Roberto Ancan sa harap ng inaasahang pag-uwi sa bansa  ng dating alkalde at pag-turnover dito sa Senado.

Tiniyak naman ni Ancan ang kaligtasan ni Guo sa oras na mailipat ito sa kustodiya ng mataas na kapulungan kasama ang kanyang kapatid at una nang naaresto na si Shiela Guo.

Samantala, papayagan naman na makagamit ng gadgets ang pinatalsik na alkalde at madalaw ng kanyang abogado gaya ng ginagawa sa kanyang kapatid.

Si Guo ay inaasahang  darating gabi ng Huwebes.

Personal na pinuntahan ito nina Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police Chief P/Gen Rommel Marbil sa Jakarta, Indonesia upang dalhin pabalik ng bansa.

Sa nakalap na impormasyon, direkta ito sa Villamor Airbase para sa isasagawang documentation ng mga tauhan ng Bureau of Immigration, Bureau of Customs at sa mga kawani ng Bureau of Quarantine.

Si Guo ay nahaharap sa mga kaso kabilang ang anti money laundering.

FROILAN MORALLOS