DETOX: SIMPLE AT MADALING PARAAN

DETOX-1

Ni CT SARIGUMBA

NAGING popular na ang detox. Isa itong proseso kung saan ina­alis o inilalabas ang dumi o unhealthy substances na naipon sa katawan. Bukod sa term na detox, tinatawag din itong cleansing o paglilinis.

“The term ‘detox’ is chicer than ‘diet’ right now,” ayon kay Brigitte Zeitlin, RD, owner ng BZ Nutrition sa New York City. Nagpapahiwatig din umano ito ng shorter-term solution at quick results.

Sa pagiging popular ng detoxing o detox, naging medical jargon ito upang magamot ang iba’t ibang klase ng kondisyon o sakit gaya ng alcohol poisoning at kidney failure. Umaasa kasi ang maraming ma­kagagamot ang nasabing proseso.

Kapag din naparami ang kain ng isang tao, lalo na nga’t katatapos lang ng holiday, sinasabi ng marami na magde-detox sila o maglilinis ng katawan. At isa sa na­ging popular na paraan upang malinis ang katawan ay ang pag-inom ng maraming tubig.

Sa pamamagitan din ng pag-inom ng tubig ay nailalabas ng katawan ang toxic at unhealthy substances mula sa ating kinain at ininom.

Pagkagising pa lang ay uminom na kaagad ng maraming tubig. Kapag hydrated ang katawan, nare-refresh ang ating cells.

Sinasabi ring maraming benepisyo ang pagde-detox. Ilan sa major benefits nga nito ay ang better sleep, clear skin, more energy, fewer cravings, better digestion, weight loss at lower inflammation.

Ngunit bukod sa pag-inom ng maraming tubig, narito ang ilan pa sa mga simple at mada­ling paraan ng pagde-detox:

DETOX-2GOOD NIGHT REST

Isa sa pinakasimpleng paraan na puwedeng gawin ng kahit na sino ay ang pagtulog ng maayos at mahimbing. Ang pagtulog ng maayos ay nakapagpapa-reset at detox ng katawan dahil konektado nga naman ang kakulangan sa tulog sa pagkain ng marami o pagdaragdag ng timbang.

Nakapagpapaganda rin ng overall health ang pagtulog ng maayos. Kaya ibig lang sabihin, iwasan na ang pagpupuyat hangga’t maaari.

REGULAR NA PAG-EEHERSISYO

Kinatatamaran ng marami ang pag-e­ehersisyo.

Oo nga’t ang pag-eehersisyo ay laging nasa listahan ng ating New Year’s Resolution. Kadalasan, sa simula ng taon ay nagagawa pa nating mag-ehersisyo ng regular. Kung minsan naman, umaabot pa ng ikalawang buwan o ikatlo.

Kaso, kapag dinalaw na tayo ng katamaran ay hindi na natin itinutuloy. Puro simula lang. Ningas-kugon kumbaga. Hindi magawang ituloy-tuloy o gawing regular.

Sa katunayan, ma­rami rin namang dahilan kung kaya’t hindi natin nagagawang mag-ehersisyo.

DETOX-3Halimbawa ay sa kaliwa’t kanang responsibilidad natin sa tahanan at sa trabaho.

Minsan din, sa sobrang pagod na natin kaya’t tamad na tamad na tayong gumalaw at mas pinipili nating ma­tulog o magpahinga na lang nang makabawi ng lakas.

Kinatatamaran man ng marami ang regular na pag-eehersisyo ngunit isa itong paraan o simpleng paraan upang mailabas ang toxins sa katawan sa pamamagitan ng pagpapawis.

Kaya, abala man ay gumawa ng paraan para makapag-ehersisyo.

PAG-INOM NG SMOOTHIES AT JUICES

Bukod nga naman sa pag-inom ng mara­ming tubig, mainam ding kahiligan ang smoothies at juices.

Kapag sinabing kahiligan ang smoothies at juices, ibig sabihin ay fresh ang kailangan o dapat na inumin.

Hindi lang din prutas ang masarap gawing smoothies kundi maging ang veggies.

Isa naman sa inu­ming dapat iwasan ay ang caffeine.

IWASAN ANG STRESS

Mainam ding iwasan ang stress. Sa tuwing nakadarama kasi ng stress ang katawan ay nahihirapan itong mag-digest at mag-cleanse o detox.

Kaya isa ang stress sa dapat na iwasan. Su­bukan ang ilang mga paraan nang ma-relax gaya ng panonood ng mga kinahihiligan at nakatatawang palabas.

Puwede rin naman ang paglabas kasama ang pamilya at mga kaibigan. O kaya naman, mag-yoga o meditation nang kumalma ang katawan at isipan.

Kung hindi nga naman magiging maingat sa ating katawan, maaari tayong tamaan ng samu’t saring sakit na nagkalat sa paligid. Kung hindi rin natin lulubayan ang pagkain ng mga putahe o dessert na nakasasama sa katawan, tiyak na tayo lamang din ang mahihirapan.

Kaya naman, ma­ging maingat. Subukan din ang mag-detox nang mawala ang toxic na naipon sa ating katawan.