MABUTI naman at nagagamit na ni coach Egay Macaraya si Alvin Capobres ngayon. Siguro ay kumuha lang ng tamang timing si coach Macaraya. Kasi noong 93rd NCAA season ay halos bangko si Capobres sa San Sebastian College, madalang pa sa pagpatak ng ulan kung gamitin ang anak ng dating PBA player na si Danny Capobres.
Sa laban ng Baste kontra JRU ay pinangunahan ni Alvin ang team sa pagkamada ng 16 points para lumamang ng 13 puntos ang tropa ni coach Macaraya at manalo laban sa mga bataan ni coach Vergel Meneses. Sana ay tuloy-tuloy na ang magandang exposure na ibinibigay ni coach Macaraya kay Capobres. Sa totoo lang, ala Vic Manuel si Alvin at habang tumatagal sa hardcourt ay lumalabas ang tunay na laro nito. Inspirasyon nito ang kanyang family at kahit malayo ang kanyang mga magulang at kapatid sa kanya ay buong puwersa niyang inilalabas ang husay sa paglalaro upang maabot ang pangarap niya na makapaglaro sa professional league.
oOo
Nagkapikunan sina Joe Devance ng Ginebra at SMB import Renaldo Balkman pagkatapos ng halftime. Umpisa pa lang ng Game 4 ay mainit na ang laro ng dalawang team. Nais kasing manalo kapwa ng Kings at Beermen.
Ako mismo ang saksi sa tunay na pangyayari sa pikunan blues ng dalawang players. Ang siste, magkasunod na lumabas sina Devance at Balkman. Ang tingin ko, binati ni Renaldo si Joe, knowing ang mga player kapag nagbatian ay banggaan ng katawan o balikat. Binangga ni Balkman sa balikat si Devance na hindi nagustuhan ng huli. Hanggang sa nagkasagutan, kaya naman ang mga Ginebra player ay sinugod si Balkman.
Isa laban sa lahat. Buti na lang mabibilis ang marshalls at PBA staff na napagitnaan nila si Balkman. Kung hindi ay bugbog-sarado itong si Renaldo at hindi na nakabalik sa court.
Lahat kasi ng players ng SMB at Ginebra ay pikon na. Kaya ‘di na mapigilan ang init ng kanilang ulo. Pikon ay talo. E, ‘di lahat ng players nasermunan ni SMC sports director Alfrancis Chua.
oOo
Tinanggal si Clarice Patrimonio sa Philippine women’s tennis team na sasabak sa Asian Games sa Indonesia sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2. Nagtataka ang Patrimonio family kung bakit ito tinanggal dahil walang sinabing dahilan si head coach Chris Cuarto. Kung credential ang pagbabasehan, ‘di hamak na maganda ang ranking ng anak ni ex-PBA player Alvin Patrimonio sa Philippine women’s tennis team.
Si Clarice ay pang-apat na women’s player ng Filipinas na nakapag-uwi ng silver mula sa Southeast Asian Games noong 2017 sa Kuala Lumpur. Tsika naming, mas binigyan ng pabor ang mga Fil-foreigner. Eh, si Clarice, pure Pinoy.