DEXAMETHASONE ‘DI MAGAGAMIT VS COVID

DEXAMETHASONE

PINAYUHAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag dumagsa sa mga botika upang bumili ng dexamethasone para gamiting panlunas sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi naman nila magagamit ang naturang gamot para maiwasan o gamutin ang COVID-19 kaya’t hindi dapat na bumili nito.

Nauna rito, ilang UK researcher ang nagsabi na ang paggamit ng mababang dose ng steroid treatment na dexamethasone ay nakababawas sa panganib na mamatay ang isang pasyente ng COVID-19.

Nilinaw naman ni Vergeire na bagama’t sinasabing potensiyal na panlunas ang naturang gamot sa COVID-19 ay hindi pa ito sumasailalim sa anumang trial kaya’t hindi pa aniya ito itinuturing na miracle o magic pill kontra sa virus.

“Dapat ‘yung mga kababayan natin, ‘wag bumili kasi ‘di naman siya magagamit to prevent, hindi naman siya magagamit para gamutin ang COVID-19,” ayon pa kay Vergeire, sa panayam sa radio.

“Ang sinasabi natin, unang-una, hindi pa siya napi-peer review. Ibig sabihin hindi pa tapos ang pag-aaral,” dagdag pa niya. “Pangalawa, binibigay lang siya sa mga severe and critical… Ginagamit lang siya as support para sa gamutan sa COVID-19.”

Sinasabing gina­gamit lamang din ang naturang steroid sa mga kaso ng sakit, kung malala o kritikal ang lagay ng pasyente.

Hindi rin naman aniya ‘over-the-counter drug’ ang dexamethasone at kailangan pa ng reseta ng doktor bago makabili nito. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.