DFA CONSULAR OFFICE AT BAGONG ‘PINAS SERBISYO FAIR SA OCCI-MIN

SA isang hakbang na naglalayong mapalapit ang mga foreign affairs services sa mga mamamayan, dinidinig ng House Committee on Foreign Affairs ang House Resolution 826 na inihain ni Cong. Odie Tarriela.

Layunin ng panukalang ito na magtayo ng DFA Consular Office sa lalawigan ng Occidental Mindoro.

Sa kasalukuyan, ang mga mamamayan sa probinsya ay kinakailangang maglakbay pa patungong Batangas o Maynila upang mag-asikaso ng kanilang mga passport tulad ng pag-a-apply o pagre-renew.

Sa tulong ng pagtatayo ng DFA Consular Office sa lalawigan, magiging mas mabilis at mas madali para sa mga residente ang pag-access sa mga serbisyong ito.

Si Cong. Tarriela, Vice Chairperson ng House Committee on Foreign Affairs sa Kongreso, ang nangunguna sa pagsusulong ng panukalang ito.

Sa pamamagitan ng kanyang liderato, inaasahang magiging mas maginhawa ang proseso ng mga mamamayan ng Occidental Mindoro sa pagkuha at pag-aayos ng kanilang mga dokumento sa DFA.

Samantala, kasabay ng mga hakbangin sa lebel ng Kongreso, nakiisa rin si Cong. Tarriela sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na inihanda sa Calapan City, Occidental Mindoro.

Sa imbitasyon ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kasama ni Tarriela ang mga kinatawan ng pamahalaan sa paglunsad ng serbisyo para sa mga mamamayan ng MIMAROPA at CALABARZON.

Ang serbisyong ito ay naglalayong maghatid ng iba’t ibang serbisyong pangkalusugan, agrikultura, edukasyon, at kabuhayan sa mga komunidad.

Sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Speaker Romualdez, ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay isang hakbang patungo sa pagpapalapit ng serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan.

Ang pagdalo ni Cong. Tarriela sa nasabing pagtitipon ay nagpapakita ng kanyang dedikasyon na maglingkod at magtaguyod ng mga programa at proyekto na makakatulong sa pag-unlad ng kanyang distrito at ng buong rehiyon.

Sa tulong ng mga ganitong inisyatibo, mas mapapalakas ang ugnayan ng mga mamamayan sa kanilang pamahalaan, at magiging mas epektibo ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan at hinaing.