ITINAAS ng Department of Foreign of Affairs (DFA) sa Alert Level 4 ang Ukraine para sa mga Pinoy roon dahil banta sa kanilang seguridad ang lumalalang kaguluhan sa naturang bansa.
Bilang aksiyon ng DFA ay ipatutupad ang mandatory evacuation para sa mga Pilipino sa nasabing lugar.
Mahigpit na nanawagan ang DFA, na kung may nanatili pang Pinoy sa Ukraine ay agarang makipag-ugnayan ang mga ito sa mga embahada at konsulada ng Pilipinas para sa kanilang repatriation.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga ito sa pamamagitan ng [email protected], phone number +48604357396 (emergency hotline); Phone number: +48694491663 (office mobile number)
Para sa mga malapit sa southern border ng Ukraine, ang Philippine Embassy sa Budapest ay mayroong team sa Bucharest, Romania simula pa noong Marso 2, 2022, [email protected], phone number +36300745656.
Nabatid na simula noong Pebrero 17 ang embahada ng Pilipinas sa Warsaw ay nag-deploy ng kanilang team sa Lviv.
Samantala, 21 Filipino seafarers ang lumipad na pauwi sa Pilipinas nitong Linggo ng gabi matapos tumigil ang kanilang barko sa Odessa, Ukraine.
Umalis ang naturang mga tripulante bandang alas-10:50 Linggong ng gabi mula Bucharest, Romania at dumating ang mga ito sa Pilipinas alas-4:50 Lunes (March 7) ng umaga sa Pilipinas mula Bucharest, Romania.
Ito ang grupo ng mga tripulante ng M/V-S Breeze isang Greek ship na nakatigil sa Odessa, Ukraine.
Sa tulong ng Philippine Honorary Consul sa Moldova na si Victor Gaina sa pakikipagtulungan sa Philippine Embassy sa Hungary, lumikas ang mga ito papuntang Romania matapos atakehin ng Russia ang Ukraine. LIZA SORIANO