DFA MAGBUBUKAS NG EMBAHADA SA UKRAINE

Teodoro “Teddy Boy”  Locsin Jr

SA nagpapatuloy pa rin na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, desidido pa rin ang Department of Foreign Affairs ( DFA) na magbukas ng embahada sa Ukraine.

Ito ang inianunsiyo ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. matapos ang pagkikita nilang dalawa ni Ukranian Deputy foreign minister Dmytro Senik sa Manila.

Sa kasalukuyan ay honorary consulate lang ang mayroon ang Pilipinas sa Ukraine.

Ang Embahada ng Pilipinas lang sa Poland ang nagmomonitor sa mga Pilipino na nasa Latvia, Lithuania, Estonia at maging sa Ukraine.

Sa pagkikita nina Locsin at Senik, natalakay ng dalawa ang digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia, mga paraan para pagtibayin ang ugnayan sa pagitan ng Manila at Kyiv at kung paano mapalago ang kooperasyon hinggil sa ekonomiya.

Ito na rin ang dahilan kung bakit naisipan ng DFA na magtayo ng embahada sa Ukraine.
LIZA SORIANO