DHSUD PINAGSUSUMITE NA NG BUDGET PROPOSAL SA DBM

Rep Albee Benitez-2

PINAGSUSUMITE na ng Kamara ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) ng panukalang budget sa Department of Budget and Management para sa taong 2020.

Natuklasan sa pulong ng House Committee on Housing and Urban Development na pinangunahan ng chairman nito na si Negros Occidental Rep. Albee Benitez na nagkakanya-kanyang sumite pa rin ng budget proposal ang Housing and Urban Development Coordinating Council at ang Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) sa DBM kahit pa may DHSUD na.

Paliwanag ni Director Angelito Aguila ng HUDCC, aabutin ng anim na buwan ang transition kaya male-late na sila para sa submission sa DBM.

Dahil dito’y inihirit ng mga kongresista sa DBM na bigyan ng konsiderasyon ang DHSUD bilang bago lang na ahensiya.

Ipinunto naman ni Benitez na kahit wala pang IRR ay batas na at nalikha na ang DHSUD kaya kailangan nitong magsumite ng panukalang budget para sa susunod na taon upang mayroon silang maipri­sinta sa Kongreso pagsapit ng budget deliberation.

Humihirit din ang bagong ahensiya ng supplemental budget na gagamitin naman sa transition.       CONDE BATAC

Comments are closed.